Calendar
DS Suarez napa-isip: Anong mangyayari sa DepEd budget kung hindi nagbitiw si VP Sara
NAPA-ISIP si Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez kung ano kaya ang nangyari sa badyet ng Department of Education (DepEd) kung nanatili bilang kalihim nito si Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Suarez ang pahayag bilang bahagi ng kanyang reaksyon sa hindi pagsipot ni Duterte sa deliberasyon ng badyet ng Office of the Vice President (OVP) at kawalan nito ng pananagutan sa ginawang paggastos sa pondo ng taumbayan.
“Kaya iniisip ko, kung hindi siya nag-resign sa DepEd at ganito rin ang mangyari sa budget ng DepEd, ano kaya ang nangyari? Ilang teachers kaya ang umaasa sa DepEd na empleyado natin,” ani Suarez sa press conference nitong Martes.
Nilinaw naman ni Suarez na hindi nito sinasabi na buti na lang at nagbitiw si Duterte pero napa-isip lamang kung ano ang mangyayari sa sektor ng edukasyon kung ang bise presidente, na ayaw dumalo sa pagdinig ng badyet, ang namumuno pa sa DepEd.
“Halos isang milyon na teachers yata ang umaasa sa DepEd budget, at hindi lang ‘yung mga teachers, pati ‘yung mga bata, mga paaralan, at mga magulang na umaasa sa maayos na edukasyon,” punto pa ng mambabatas.
Ganito rin ang tono ng pahayag ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun na nagpasalamat na ang DepEd ay pinamumunuan na ni Sec. Sonny Angara.
“Buti na lang at si Secretary Angara na ‘yung Secretary ng Department of Education,” sabi ni Khonghun.
“Nakita naman talaga natin ‘yong pagbulusok pababa ng kalidad ng edukasyon noong si VP Sara pa ang namumuno sa DepEd,” dagdag pa nito.
Inulan ng batikos si Duterte dahil sa pagtanggi nitong sagutin ang mga tanong kaugnay ng ginawang paggastos at kung papaano gagastusin ang panukalang pondo nito para sa 2025.
Matapos na dumalo sa unang pagdinig kung saan wala itong direktang sinagot na tanong, hindi na dumalo si Duterte sa pagdinig ng badyet ng OVP.
Ayon kay Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V, ang mga naging aksyon ni Duterte ay naglalagay ng kuwestyon sa uri ng pamumuno nito.
“This is nothing personal para sa pagkakaintindi po ng taong bayan. This is not even a question for her as a Secretary, as the Vice President. For me, ang totality po lahat nito, this is a question of leadership,” sabi ni Ortega.
“Can you lead the department? Can you lead your office? Kaya mo bang i-lead ang Pilipinas? Kaya mo bang i-lead ‘yung constituency mo?” tanong pa nito. “So kung may problema ka bilang leader, paano ‘yung mga umaasa sa iyo at saka mga nasa likod mo? So it’s a leadership problem and a leadership question.”
Nauna rito, sinabi ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro na napakaraming problema ang iniwan ni Duterte sa DepEd.
Si Duterte ay bumaba sa puwesto noong Hulyo 19 at pinalitan ni dating Sen. Sonny Angara.
Ang DepEd ay may panukalang P793.18-bilyong badyet para sa 2025.