Barbers

DTI hinamon obligahin delivery firms gumawa ng hakbang vs ‘online budol-budol’

Mar Rodriguez Sep 23, 2022
232 Views

HINAHAMON ngayon ng isang kongresista ang Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang ahensiya para obligahin nila ang mga kompanya ng “online delivery services” na gumawa ng nararapat na hakbang upang masawata ang talamak na “online budol-budol”.

Sinabi ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace S. Barbers na sa kasalukuyan ay mas lalo pang tumataaas ang mga kaso ng “online budol-budol” (online selling scams) kung saan, ang mga pobreng mahihirap na kakarampot lamang ang kinikita ang malimit na nagiging biktima.

Dahil dito, kinakalampag ni Barbers ang DTI at iba pang government regulatory agencies na agad na kumilos upang obligahin at puwersahin nila ang lahat ng “online delivery services firms” na magpatupad ng mahigpit na hakbang para proseso ng online delivery.

Binigyang diin ni Barbers na ang pinupuntirya ngayon ng mga “online scammers” ay ang mga ordinaryong mamamayan na ang tanging paraan lamang ay sa pamamagitan ng pag-oorder online o cash on delivery (COD) subalit hindi nila nakukuha ng tama ang kanilang inorder.

“I have received numerous reports of people victimized by online scammers who steal personnel data from targeted victims’ Facebook, Messenger or other social media accounts and used them to deliver bogus goods to the victim, some of them did not even order such goods,” sabi ni Barbers.

Iminungkahi pa ni Barbers na upang matuldukan na ang ganitong uri ng panloloko sa pamamagitan ng online. Kinakailangan aniyang mas lalo pang higpitan ng mga “online delivery services firms” ang pagkilatis at pagbusisi sa identity ng lahat ng mga online sellers.

Sinabi pa ng mambabatas na ito’y sa pamamagitan ng pag-obliga sa mga online sellers na nakaka-transaksiyon nila na mag-prisinta ng mga kaukulang dokumento na magpapatunay na sila’y mga lehitimong negosyante at lehitimo ang kanilang negosyo.