Gatchalian

DTI hinimok pamunuan inter-agency task force vs ilegal na vape, sigarilyo

24 Views

BUNGA ng negatibong epekto ng vape at sigarilyo sa katawan ng tao, nais ni Senador Sherwin Gatchalian na bumuo ng isang inter-agency task force upang tugunan ang lumalalang bentahan ng mga ilegal na vape at sigarilyo sa bansa, lalo na’t tumataas ang kaso ng paggamit nito sa mga kabataan.

Sa inihaing resolusyon, iminungkahi ni Gatchalian na pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang task force na magsasagawa ng masusing pagsusuri sa merkado at magrerekomenda ng mga konkretong hakbang para sa pagpapatupad ng batas at regulasyon.

Binigyang-diin ng senador ang datos na nagpapakita ng higit 120,000 kabataang Pilipino ang nagsimulang gumamit ng e-cigarettes kahit wala pang karanasang manigarilyo. Aniya, malaya pa ring nakabibili ng vape ang mga menor de edad mula sa mga hindi lisensyadong tindahan at online sellers.

“If we don’t arrest this problem, mas maraming bata ang papasok sa e-cigarettes,” babala ni Gatchalian, habang binanggit ang masarap na lasa ng vape at ang maling pananaw na ito ay mas ligtas kaysa sa tradisyonal na sigarilyo.

Iginiit din niyang kinakailangan ang mas mahigpit na ugnayan ng mga ahensyang may kinalaman sa kalusugan, kalakalan, at pagpapatupad ng batas upang matugunan ang problema. “We need to sound the alarm bells and we hope to secure multi-year funding so we can create sustainability,” dagdag niya.

Suportado ni Gatchalian ang paglalaan ng pondo para sa task force upang masigurong tuloy-tuloy ang operasyon at implementasyon ng mga polisiya. Bahagi ito ng mas malawak na inisyatibo para tiyakin ang pagsunod sa batas sa excise tax at protektahan ang kabataan laban sa mga produktong may panganib sa kalusugan.