Sara

Duterte sa mga guro: Academics ang tutukan

267 Views

NAGPAALALA si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa mga guro na tutukan ang pagtuturo ng academics upang makahabol sa mga hindi natutunan ng mga estudyante dahil sa limitasyong dala ng COVID-19 pandemic.

Ginawa ni Duterte ang pahayag sa kanyang pagbisita sa Don Pedro Vasquez Memorial School sa Guimaras.

“Nandito kami para kumustahin kayo sa pagbubukas ng ating mga classes at iremind kayo na kailangan nakatutok tayo sa academics ng ating mga estudyante to catch up on the learning losses during the two years na hindi sila nakapag-in-person classes dahil meron talagang kaibahan ang pure online na klase at yung merong in person classes para sa ating mga learners,” sabi ni Duterte.

Sinabi ni Duterte na hindi lahat ng tradisyonal na school activity ay papayagan ngayong school year upang mas maraming oras ang magamit sa pagtuturo ng academics.

Maglalabas umano ang ahensya ng isang Department Order na nagsasabi na pawang mga co-curricular at academic activities lamang ang maaaring isagawa ngayong School Year 2022-2023.

“So ang mga extra-curricular activities ay ipinagbabawal po natin,” sabi ng kalihim.

Laman umano ng ilalabas na DepEd Order ang listahan upang matukoy kung alin lamang ang mga papayagang aktibidad.

Kabilang sa hindi isasagawa ngayon ang Palarong Pambansa. Para sa susunod na taon ay isang draft proposal umano ang ginagawa para rito.