Calendar
Dy hiniling sa DOH na imbestigahan ang pagtanggi ng ilang botika na bigyan ng discount senior citizen na walang purchase booklet
HINIHILING ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino “Inno” A. Dy V sa Department of Health (DOH) na busisiin nitong mabuti o magsagawa sila ng isang masusing imbestigasyon patungkol sa ulat na ilang botika ang tumatangging mabigay ng discount para sa mga senior citizens na hindi dala ang kanilang “purchase booklet”.
Ayon kay Dy, napakahalagang kumilos ang DOH upang alamin kung sino-sinong mga botika o kilalang pharmacy ang tumatangging bigyan ng discount ang mga senior citizen sa kabila ng inilabas na kautusan o direktiba ng Health Department na maaaring ID na lamang at prescription ng doktor ang kailangang ipakita ng mga matatanda sakaling hindi nila dala ang kanilang booklet.
Pagdidiin ni Dy na ang naturang pagtanggi ng mga pharmacy ay lantarang pagbabalewala sa inilabas na kautusan ng Health Department kaya nararapat lamang magbigay sila ng paliwanag at papanagutin kung kinakailangan.
Iminumungkahi din ng kongresista na kailangang magsagawa din ng isang malawakang “crackdown” ang DOH upang alamin kung mayroon iba pang Botika ang nagmamatigas na huwag bigyan ng discount ang mga senior citizen o nagpapatupad ng kanilang sariling polisiya.
Kinatigan din ni Dy ang panukala ng kapwa nito mambabatas na dapat isama sa nasabing pribilehiyo ang mga Persons With Disabilities (PWD) kung saan kahit na lamang ang kanilang ipakita sa Botika kasama ang prescription ng kanilang doktor gaya ng ibinibigay sa mga senior citizens.