Dy

Dy: Panawagan ni Alvarez di makakatulong sa WPS issue

Mar Rodriguez Apr 3, 2024
125 Views

BINIGYANG DIIN ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V na hindi makakatulong ang panawagan ni dating House Speaker at Davao del Norte 1st Dist. Cong. Pantaleon “Bebot” D. Alvarez para resolbahin ang problema ng bansa sa West Philippines Sea.

Kinatigan din ni Dy ang pahayag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st Dist. Rep. Janette L. Garin patungkol sa dating House Speaker matapos nitong sabihin na sa halip na ipanawagan nito ang pagbibitiw ni President Bongbong R. Marcos, Jr. ay dapat magbigay na lamang siya ng mga solusyon.

Ayon kay Dy, ang nasabing solusyon na ipinahayag ni Garin ay kaugnay sa namumuong tensiyion sa WPS sa pagitan ng Pilipinas at China. Kung saan, ipinanawagan ni Alvarez ang pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Marcos, Jr. para mapahupa umano ang hidwaan sa WPS.

Dahil dito, iginigiit ng Isabela congressman na hindi mareresolba ang tumitinding tensiyon at sigalot sa WPS sa pamamagitan ng panawagan ni Alvarez na magbitiw ang Pangulo sa puwesto. Sapagkat lalo lamang nitong palalalain ang sitwasyon o maaaring mas tumindi pa ang problema sa WPS.

Muling binigyang diin ni Dy na ang kailangang gawin ngayon ay ang umisip at bumalangkas ng mga kongkretong hakbang para masolusyunan ang problema ng Pilipinas sa WPS sa halip na maging padalos-dalos tulad ng panawagan ng dating House Speaker na hindi makakatulong sa problema.

Samantala, malugod naman inihayag ng tanggapan ni Dy sa Kamara de Representantes na tinatayang 10,000 mag-aaral sa ika-anim na Distrito ng Isabela ang napagkalooban nila ng scholarship matapos silang mag-sumite ng kanilang application para sa educational assistance.

Sinabi ng kongresista na ang ipinamahagi nitong libreng scholarship ay bahagi ng kaniyang “commitment” para sa kaniyang mga kababayan at constituents sa Isabela na makapagbigay ng libreng edukasyon para sa mga mag-aaral.