MWP Litrato ng MWP dahil sa paglabag as chile abuse law. Larawan mula sa FB-NEPPO

Ecija pulis nagpakitang gilas, 8 MWP arestado

Steve A. Gosuico Sep 4, 2024
60 Views

CABANATUAN CITY – Nagpakitang gilas ang kapulisan ng Nueva Ecija sa pagtugis sa mga pinaghahanap ng batas matapos masakote ang walong most wanted persons, kabilang ang numero tres na most wanted sa bayan ng Rizal dahil sa child abuse, sa isinagawang operasyon sa unang araw ng pag-upo sa tungkulin ng bagong acting top cop na si Col. Ferdinand D. Germino nitong Miyerkules.

Sa ulat ng Rizal police station, nasakote nila ang isang 21-anyos na suspek na kinilalang si alyas Mark, ng Bgy. Estrella dakong alas-9:30 ng umaga kasunod ng pagsisilbi ng arrest warrant laban sa kanya dahil sa paglabag sa Republic Act 7610 (Anti-Child Abuse Law) na may inirekomendang piyansang P180,000.

Nadakip din sa magkahiwalay na operasyon ang pitong most wanted persons sa Talavera, Rizal, Gapan City, San Jose City, at General Tinio para sa iba’t ibang warrant of arrest para sa estafa, reckless imprudence resulting in homicide, less physical injuries, acts of lasciviousness, at grave oral defamation.

Samantala, nagsagawa ng illegal gambling operation ang Gapan police sa ilalim ni Lt. Col. Wilmar M. Binag sa Bgy. Mangino at nahuli ang tatlong suspek na nahuli sa aktong naglalaro ng ilegal na card game na “tong-its” alas-4:30 ng hapon.

Nasamsam mula sa kanila ang ginamit na baraha at taya na nagkakahalaga ng P715.

“Sa pag-upo ko bilang hepe ng kapulisan sa Nueva Ecija, maaasahan ninyo, mga Novo Ecijanos ang isang walang kapantay at masigasig na serbisyo ng ating kapulisan. Sa mga masasamang-loob na kumikilos sa probinsya, oras na para mag-impake na kayo at umiskyerda sa Nueva Ecija,” ani Germino.

Ayon kay Germino, ang mga operasyong ito ay naaayon sa direktiba ni Police Regional Office 3 director Brig.Gen. Jose S. Hidalgo Jr. upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon. – STEVE A