Discaya Source: PTV

EPD: Mga nagbatao ng putik sa kumpanya ng mga Discaya maaaring kasuhan ng malicious mischief

Arlene Rivera Sep 4, 2025
445 Views

NAGBATO ng putik at nag-vandalize ng gate ng St. Gerrard Construction na pagmamay-ari ng pamilyang Discaya ang mga nagpoprotesta noong Huwebes sa isinagawang kilos-protesta.

Maaaring maharap sa kasong malicious mischief ang mga nagpoprotesta.

Bandang alas-12 ng tanghali, personal na nagtungo sa lugar si Eastern Police District (EPD) Director Aden T. Lagradante upang suriin ang sitwasyon at makausap ang pamilyang Discaya upang alamin kung nais nilang magsampa ng reklamo laban sa mga nagprotesta.

Ayon kay Pasig City Police Station Chief Hendrix Mangaldan sa isang panayam sa media, may permit man o wala, magpapakita ang mga awtoridad ng maximum tolerance, ngunit hindi dapat palampasin ang mga insidenteng gaya ng pagbato ng putik at pandarambong.

“Kasi, maaari silang maharap sa kasong malicious mischief,” aniya, sabay dagdag na may kaukulang parusa sa batas ang mga ganitong gawain.

Sa oras ng pagsulat na ito, wala pang ibang pahayag kung tuluyang kakasuhan ang mga nagpoprotesta.

Samantala, sinabi ng abogado ng pamilyang Discaya na si Cornelio Samaniego III na magsasampa sila ng kasong kriminal laban sa mga nasa likod ng isinagawang kilos-protesta.