Calendar
Manila Skate Park muling bubuhayin ni Yorme Isko
INI-ANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang plano niyang buhayin at itayong muli ang Manila Skate Park bilang bahagi ng kanyang pagnanais na magkaroon ng ligtas na lugar ang mga batang nahuhumaling at nag-aaral ng skateboarding.
Sinabi ng alkalde na matagal ng humihiling ang mga local skaters na magkaroon muli ng skate park sa Maynila makaraang gibain ang Canonigo Sports Complex na dating kilala bilang Manila Skate Park sa Quirino Avenue Ext. sa Paco.
Nauna ng ibinahagi ng alkalde noong Sabado kay Manila 5th District Representative Irwin Tieng ang kanyang paghahangad na muling buhayin ang Manila Skate Park at nangako naman ang kongresista na tutulong siya upang maisakatuparan ang proyekto..
“‘Yung mga atabs kung saan-saan nag-iiskate. Baka puwede natin ibalik ‘yung skate park kasi kawawa naman,” saad ni Mayor Isko sa pulong nila ni Cong. Tieang.
Binigyang diin pa ng alkalde na ang pagbuhay muli sa skate park ay dahil sa pagsisikap niyang mamuhunan sa kabataan at mapaunlad ang palakasan na magtataguyod sa aktibong istilo ng kanilang pamumuhay, pagkamalikhain at magandang pagsasamahan ng komunidad.

