Sunog source: Philippine Emergency Alerts

1 patay, 15 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa P’que

Edd Reyes May 10, 2026
37 Views

ISA ang patay habang 15 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa residential area Sabado ng hapon sa Paranaque City.

Sa ulat ng Paranaque Bureau of Fire Protection (BFP), hinihinalang natutulog nang ma-trap ang 25-anyos na lalaki sa loob ng tinutuluyang bahay nang sumiklab ang apoy dakong alas-5:00 ng hapon na dulot umano ng hindi maayos na koneksiyon ng kuryente sa Gatchalian 1 Barangay San Dionisio.

Ayon kay arson investigator SFO3 Giovanni Corbes, hindi umano makontak ng kanyang mga kaanak ang biktima na ilang ulit na tinatawagan bago natagpuan ang kanyang bangkay na hinihinalang na-suffocate batay sa posisyon nang matagpuan ang bangkay.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na nakontrol pasado alas-6 ng gabi bago tuluyang idineklarang fire out makaraan ang 20-minuto.

Samantala, umabot sa ikatlong alarma ang sunog na umabo sa may 30-kabahayan sa Sta Cecilia St. Sta Maria Subdivision, Valley 1, Brgy. San Antonio, Paranaque City na nagsimula LInggo ng bago mag-tanghali .

Umabot sa 60 pamilya na katumbas ng 180 indibiduwal ang nawalan ng tirahan sa sunog bago tuluyang naapula dakong ala-1:41 ng hapon. Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog.