Chiz Escudero Senate President Francis Chiz Escudero

Escudero pinagtibay karapatan ng Kongreso na busisiin badyet ng bawat ahensiya ng gobyerno

94 Views

IPINAGTANGGOL ni Senate President Francis Chiz Escudero sa isang panayam sa radyo na may karapatan ang Kongreso na kwestiyunin ang mga item na maaaring hindi lumabas sa panukalang badyet ngunit naipasok na sa nakaraang badyet.

Iginiit ni Escudero ang konstitusyunal na papel ng Kongreso na malinaw na nakasaad sa konstitusyon na Ang layunin nito ay maging mapanuri lalot pera ng taumbayan ang nakataya.

Binanggit ni Escudero ang isang partikular na pangyayari noong 2022, kung saan ang OVP ay orihinal na walang confidential funds sa ilalim nina Bise Presidente Leni Robredo at Sara Duterte. Gayunpaman, bago matapos ang taon, biglaang nadagdag ang confidential funds sa pamamagitan ng ng ehekutibo.

“Natural lamang din siguro para sa mga mambabatas na magtanong kaugnay nun, bagaman wala sa proposed budget ng 2025 dahil tulad ng budget na hindi naka-propose ng 2022, wala din naman pero biglang nagkaroon,” ani Escudero habang ipinaliwanag ang magkabilang panig ng VP Sara at ng Kongreso.

“Magandang makita natin kung gagaya sa kanya(VP Sara) ang ibang head of agency na sa tingin ko naman ay hindi. Nag-iisa at bukod tangi siguro yan dahil sa tagal ko rin sa Kongreso, sa Kamara man ito o sa Senado, ay unang beses ko itong nakakita ng ganyang uri ng pagtrato sa Kamara.” Inamin ni Escudero na siya man ay nagulat.

Habang patuloy na sinusuri ng mga mambabatas ang panukalang badyet para sa 2025, na nakatuon sa transparency at wastong paglalaan ng pondo, sinabi ni Escudero na inaasahan na ng Kongreso na suriing mabuti ang badyet, “because it is the money of the people.”

Inamin din ni Escudero na siya ay nagulat sa hindi inaasahang asal na ipinakita ni Bise Presidente Sara Duterte sa isang kamakailang pagdinig sa badyet sa Kamara, na tinawag niyang unang pagkakataon na nangyari ito sa kanyang siyam na taon sa House of Representatives at labing-apat na taon sa Senado bilang beteranong mambabatas.

Ang pahayag ni Escudero ay kaugnay ng pagputok ni VP Duterte laban kay Senador Risa Hontiveros at ilang mga kongresista sa sesyon.

“Gaano man kagalit, kabwiset, kawalan ng pasensya, o gaano man magkaaway ang sinumang head of agency o mambabatas. Hindi dumating sa puntong ganyan kailanman. Ito ang unang pagkakataon na nangyari yan sa totoo lang sa 9 na taon ko na sa Kamara at 14 kong taon sa Senado, ngayon lang ako nakapanood ng ganyan,” sabi ng Senate Chief.

Nilinaw ni Escudero na habang iginagalang niya ang mga pananaw at karapatan ni VP Duterte, ay nasa ayon din naman daw talaga mga miyembro ng House of Representatives sa kanilang pagtatanong sa kanya sa pagdinig ng badyet.

“Naging issue kung pwede ba siyang tanungin tungkol sa isang item na wala naman sa proposed budget na nangyari noong 2022 pa. Ang sagot ko duon ay oo.”

Habang kinikilala natin na normal ang hindi pagkakasundo bilang bahagi ng proseso, binigyang-diin ni Escudero na ang ganitong antas ng komprontasyon ay wala puwang at hindi nararapat.

Ipinahayag ni Escudero ang kanyang pag-asa na sa kalaunan ay mananaig ang mas malamig na ulo, lalo na’t naantala ang badyet ng OVP noong nakaraang pagdinig dahil sa pamamaraan ng sagutan ng bise presidente sa mga mambabatas.