1 Sambayan

Evidence vs P125M confi fund proteksyunan

10 Views

KASUNOD ng panawagan ng 1 Sambayan na simulan na ng Senado ang paglilitis sa inihaing impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, hiniling nito kay Senate President Francis “Chiz” Escudero na atasan ang Armed Forces of the Philipines (AFP) na siguruhing maprotektahan ang mga ebidensya ukol sa dalawang military aide ni Duterte na humawak ng P125 milyong confidential funds nito.

Batay sa liham na ipinadala ni retired Chief Justice Antonio Carpio kay Escudero, tahasang sinabi nito na dapat ngayon pa lamang ay naghahanda na ang Senado ukol sa kailangang atensyong legal at procedural details ng impeachment.

Kabilang sa mga iminungkahi ni Carpio na maaaring simulan na ng Senado ay ang pagrebisa sa impeachment rules, na gawing simple lamang upang sa ganoon ay maging epektibo ang proseso.

Bukod pa sa mungkahi nito na dapat nakapaloob sa impeachment rules na binibigyan ng kapangyarihan si Escudero o ang Senate President ukol sa usapin ng “forthwith” issue, na kung saan ay maaari na siyang magpalabas ng summons sa inirereklamong opisyal ng pamahalaan upang sa ganoon ay agarang makasagot ito sa reklamo laban sa kanya sa loob ng 15 araw.

Hiniling din nila na pagkalooban ng Senado si Escudero ng kapangyarihang pahintulutan nang tanggapin ang mga isusumiteng pangalan ng mga testigo ganoon din sa mga judicial affidavits.

Anila, dapat din pahintulutan si Escudero na matiyak na maingatan o ma-preserve ang anumang records na may kaugnayan sa kaso na hawak ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Iginiit din ni Carpio na lubhang mahalaga ang kanilang mga mungkahi upang magampanan ng Senado ang kanilang “sole power” para sa paglilitis at paghuhusga sa impeachment cases.

Binigyang-linaw ni Carpio na kung susundin ng Senado ang kanilang mungkahi ay matitiyak na uusad ang paglilitis nang walang anumang hadlang.