Carlos

Ex-National Security Adviser nagpahayag ng suporta sa economic Cha-cha

Mar Rodriguez Mar 5, 2024
95 Views

NAGPAHAYAG ng suporta si dating National Security Adviser at retired UP professor Clarita Carlos sa panukala na amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon na tinatalakay ng Committee of the Whole ng Kamara de Representantes.

Sa ika-apat na pagdinig ng komite sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, sinabi ni Carlos na ang Konstitusyon ay dapat “a living document that should reflect the political and economic conditions of our times.”

Kung mabibigo umano ang pangunahing batas ng bansa na makasabay sa mga pagbabago sa paligid nito ay dapat itong baguhin o i-reset kung kakailanganin.

“Let us build bridges, not walls, to the rest of the world,” sabi ni Carlos.

Sinabi rin nito ng ang Konstitusyon ay dapat “facilitative, not restrictive.”

Sinabihan din ni Carlos ang mga tutol sa pagbubukas ng sektor ng edukasyon sa mga dayuhang mamumuhunan na pag-isipan ng magiging resulta nito—ang “effective learning” para sa mga Pilipino at hindi ang isyu kung sino ang nagmamay-ari ng mga eskuwelahan.

Ang RBH No. 7, na akda ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at iba pang lider ng Kamara, ang naglalaman ng panukalang pagbabago sa Konstitusyon na nakabinbin sa Kamara.

Ang resolusyon ay halos kamukha ng RBH No. 6, na inihain sa Senado nina Senate by Senate President Juan Miguel Zubiri at Senators Loren Legarda at Juan Edgardo Angara.

Ang RBH Nos. 6 at 7 ay may titulong: “A Resolution of Both Houses of Congress proposing amendments to certain economic provisions of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines, particularly on Articles Xll, XlV and XVl.”

Sinuportahan din ni Orion Perez Dumdum ng Correct (Constitutional Reform and Rectification for Economic Competitiveness and Transformation) Movement, ang pagbubukas ng education sector sa mga dayuhang mamumuhunan.

Sinabi nito na magiging mas mura para sa mga mag-aaral na Pilipino na makakuha ng de kalidad na foreign education kung ang mga dayuhang unibersidad ay magkakaroon ng campus sa bansa.

Ayon kay Dumdum hindi na ito bago at matagal ng ginawa sa Singapore,

Sa Malaysia ay mayroon umanong 10 paaralan na pagmamay-ari ng dayuhan, samantalang ang Vietnam ay mayroong lima kasama ang isang American university.

Binanggit naman ni Eduardo Araral, isang Pilipino na nagtuturo sa National University of Singapore, kung bakit mas maraming dayuhang pamumuhunan ang napupunta sa Vietnam kumpara sa Pilipinas.

Sinabi nito na sa Vietnam ay mas mura ng 50 porsyento ang kuryente at mas mababa ang corporate tax bukod pa sa pagkakaroon ng “highly competitive workforce.”

Marami umanong dayuhang mamumuhunan sa Vietnam partikular sa larangan ng electronics gaya ng Samsung na bumubuo sa 28 porsyento ng ekonomiya ng naturang bansa.