BBM

Face-to-face classes magpapasigla ng ekonomiya—PBBM

233 Views

KUMPIYANS si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mapasisigla ng face-to-face classes ang ekonomiya ng bansa.

Hinimok ni Marcos ang mga ahensya ng gobyerno na siguruhin na ang pagbabalik ng face-to-face classes ay magiging matagumpay upang makabawi ang bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa pagsasagawa ng face-to-face classes ay inaasahan na mabubuhay ang sektor ng transportasyon, pagkain at retail business.

“Kaya’t kapag ito ay naging matagumpay, hindi lang ito balik eskwela kundi balik negosyo, balik hanapbuhay at balik kaunlaran,” sabi ni Marcos.

Ayon sa Department of Education (DepEd) sa Agosto 22, 2022 magbubukas ang School Year 2022-2023 at unti-unti umanong papapasukin ang mga estudyante hanggang sa maging 100 porsyento na ang face-to-face classes sa Nobyembre.

“Kakailanganin ng mga estudyante na mag-commute papuntang eskwelahan. Kaya’t ang ating transport sector ay muli ring magkakaroon ng karagdagang trabaho. Kailangan din ay handa ang mga pampasaherong sasakyan na ipatupad ang minimum safety standards,” paliwanag ni Marcos.

Nasa 15.2 milyong estudyante na ang naka-enroll para sa parating na pasukan.

Kakailanganin din umano ng mga estudyante ng school supplies kaya mabubuhay din ang sektor na ito.

Ang mga magulang ay makababalik na rin umano sa paghahanap buhay kapag ang mga bata ay sa eskuwelahan na nag-aaral at hindi sa bahay.

“Ito’y masasabi ring malaking tulong sa malawakang kilusan natin ng pagbubukas ng ekonomiya. Maraming industriya ang magiging bahagi at makikinabang sa hakbang na ito kung kaya’t dapat nating siguruhin na ang lahat ay handang-handa,” dagdag pa ni Marcos.

Muli ring nanawagan si Marcos sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa COVID-19 bilang paghahanda sa pasukan.