Calendar

Fake news gamit ng mga Duterte para takpan impeachment ni VP Sara — Rep. Zamora
INAKUSAHAN ni House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City ang kampo ng mga Duterte na nagpapakalat ng fake news upang malihis ang atensyon ng publiko sa mga seryosong alegasyong nakalatag sa reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Zamora ang pahayag kasunod ng pagbatikos ng Malacañang kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte kaugnay ng mga walang basehang pahayag na nagnakaw at ibinenta ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang gold reserve ng bansa.
“Ang mga Duterte halatang-halata na ang galawan. Para silang nakikipagkarera sa paggawa ng fake news para lang malunod sa ingay ang mga mabibigat na alegasyon laban kay VP Sara,” saad ni Zamora. “Ang desperasyon nila na baluktutin ang usapan ay nagpapakita ng takot nila sa katotohanan.”
Tinukoy pa ng lider ng Kamara na ginagamit ng mga Duterte ang lahat ng uri ng panlilinlang para lang mailayo ang diskusyon mula sa impeachment case.
“Gusto nilang iligaw ang usapan para mapagtakpan ang mabibigat na akusasyong hindi nila kayang sagutin. Hindi na bago ang ganitong diskarte nila,” dagdag niya.
Ayon kay Zamora, hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakalat ng maling impormasyon ang dating Pangulong Duterte para manipulahin ang publiko.
“Nitong buwan lang, sinabi niyang mas maraming trabaho raw noong panahon niya, pero kung babalikan natin ang datos, maraming Pilipino na ang may trabaho sa ilalim ng administrasyong Marcos,” giit niya.
Batay aniya sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba na sa 3.82 porsiyento ang unemployment rate sa ilalim ng administrasyong Marcos nitong 2024—malaking kabawasan mula sa 10.26 porsiyento noong 2020, sa ilalim ng liderato ni Duterte.
“Ito ang panawagan natin sa kampo ng mga Duterte: itigil niyo na ang pangangarap na kaya niyong lunurin ng fake news ang mabibigat na kaso sa inyo,” diin ni Zamora. “Harapin niyo ang mga akusasyon, dahil hindi mababago ng propaganda ang katotohanan.”
Kabilang sa seryosong mga alegasyong nakapaloob sa Articles of Impeachment ay ang umano’y maling paggamit sa P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng kaniyang pamumuno bilang Vice President at Education Secretary.
“Hindi biro ang paggamit ng milyun-milyong pondo na walang maayos na paliwanag o dokumentasyon. Hindi ito simpleng pagkukulang sa proseso—ito ay malinaw na paglabag sa tiwala ng publiko,” ani Zamora. “Ang pondo ng bayan ay dapat gamitin nang may pananagutan, hindi parang sariling alkansya.”
Kasama rin sa mabibigat na akusasyon ang pagbabanta ni Duterte laban sa buhay ni Pangulong Marcos na naging banta sa pambansang seguridad.
“Ang pagkakaroon ng sabwatan para saktan ang Pangulo ay hindi simpleng usapin lang ng pulitika—ito ay banta sa seguridad ng bansa,” aniya.
Giit pa niya: “Ang death threat ay hindi fake news, pero parehong nakakasama sa tao at sa bayan.”
Nanawagan si Zamora sa Senado na kagyat nang umpisahan ang paglilitis bago pa lumaganap ang misinformation campaign ng mga Duterte at mabura ang katotohanan.
“Kailangang simulan na ang impeachment trial bago pa malunod ang bansa sa baha ng fake news ng mga Duterte,” sabi niya. “The impeachment trial is the proper venue to address these serious allegations. Para magkaalaman na kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo.”
Diin pa niya na hindi lang ito laban ng mga indibidwal ngunit pagprotekta sa integridad ng demokrasya ng Pilipinas.
“Hindi ito simpleng laban sa isang tao, kundi laban para sa integridad ng ating demokrasya. Ang bayan ang may karapatang malaman ang katotohanan, at walang sinuman ang dapat makatakas sa pananagutan,” pahayag ng mambabatas.