Committee Nagbigay si quad committee chairman Rep. Robert Ace Barbers (right) ng mensahe sa pagpapatuloy ng pagdinig ukol sa illegal drugs at extrajudicial killings, sa People’s Center ng House of Representatives umaga ng Martes. Kasama niya sina (from left) Antipolo Rep. Romeo Acop, committee on human rights chair Rep. Bienvenido Abante Jr., committee on public order and safety chair Rep. Dan Fernandez at committee on public accounts chair Rep. Joseph Stephen Paduano (not in photo). Kuha ni VER NOVENO

Fall guys, di utak, kinulong sa drug war ni Duterte – Barbers

17 Views

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang chairman ng House quad committee noong Martes kaugnay ng inilarawan nitong “gross miscarriage of justice” sa war on drugs campaign ng administrasyong Duterte, kung saan mga “fall guys” at hindi ang mga totoong mastermind sa smuggling ng iligal na droga sa bansa ang naparusahan.

Sa kanyang opening speech sa ika-14 na pagdinig ng komite, ikinalungkot ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na mayroong mga inosente na makukulong ng hanggang 40 taon, habang ang mga totoong may kasalanan ay nananatiling nakakalaya.

“Ang mga pagpuslit ng tone-toneladang droga na nagkakahalaga ng mahigit labindalawang bilyong piso na ibinintang sa mga maliliit na tao ay isang kahina-hinalang hakbang upang pagtakpan ang mga tunay na may kinalaman,” ani Barbers.

Kasama sa sinasabi ng mambabatas ang negosyanteng si Mark Taguba, ang bodegerong si Fidel Anoche Dee at dating Bureau of Customs employee Jimmy Guban, sa kabila ng kakulangan ng ebidensya.

“Si Mark Taguba, isang batang negosyante, sumasalo lamang ng mga pinarating ng mga nag-angkat o importer ng mga bagay-bagay kasama na ang iligal na droga. Wala siyang alam sa laman ng containers,” saad ni Barbers.

Ayon kay Barbers, si Dee, isang guwardiya, ay tumanggap umano ng shipment sa isang “controlled delivery” ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

“Ang bodegero ay kinasuhan at ngayon ay nagdurusa sa loob ng bilangguan,” sabi ng mambabatas.

“If these people are necessary fall guys in order to cover up the truth, then we have committed a grave injustice which we are now compelled to rectify,” saad pa ni Barbers.

Nagpahayag din ng pangamba si Barbers dahil ang dating prosecutor na si Aristotle Reyes ay na-appoint na Regional Trial Court (RTC) judge kahit na fall guys lamang ang mga naparusahan sa kasong hinawakan nito.

“Si dating prosecutor Aristotle Reyes na diumano matapos sampahan ng kaso ang mga fall guys ay na-promote bilang isang RTC judge na ngayon ay balitang diumano ay naga-apply din bilang isang justice ng Sandiganbayan kung ito man po ay totoo,” sabi ni Barbers.

“Gusto sana nating makaharap dito si Judge Reyes upang malinawan ang mga bagay na ito subalit kinakailangan pa natin ng pahintulot ng Korte Suprema dahil sa siya ay isa na pong judge,” saad pa nito.

“Isang bagay na kinakailangan malinawan ay ang mga charges diumano ni prosecutor, na sinang-ayunan ng Department of Justice (DOJ) under former Sec. Vitallano Aguirre,” dagdag pa niya.

Nanawagan si Barbers ng malalim na imbestigasyon sa kuwestyunable umanong prosekusyon ng mga nakulong.

“Hinahanap ng Quad Comm ang hustisya. Hinahanap namin ang tunay na may-ari ng droga,” sabi ni Barbers.

Binigyang-diin ni Barbers ang pangangailangan na amyendahan ang mga batas upang maiwasan ang kawalang hustisya sa hinaharap.

“Sa pamamagitan ng pagpapatibay pa ng mga batas, maiwasan natin ang injustice,” sabi pa nito.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng quad comm, sinabi ni Barbers na isusulong ng komite na maparusahan ang mga mastermind ng drug smuggling.

Nanawagan din ang mambabatas sa DOJ at iba pang ahensya ng gobyerno na silipin ang mga kaso upang mapanagot ang mga tunay na may sala.

Bukod sa drug smuggling, tatalakayin din ng komite ang pagpaslang kay retired General Wesley Barayuga na dating board secretary ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

“We will try to elicit from Col. Grijaldo some important information pertaining to the murder,” wika pa ni Barbers.