Calendar
‘Feelingerong’ senior aide kakampihan o kakastiguhin ni Senador?
TOTOO ang kasabihan na ang langaw, kapag natungtong sa kalabaw, akala niya mas mataas pa siya sa kalabaw.
Ilang beses na itong napatunayan sa mga nahuhuling pasaway sa lansangan na ang ipinagmamalaki ay kanilang mga among Senador o Kongresista gayung kadalasan ay wala namang kalam-alam sa kanilang ginagawang kabalbalan ang pinaglilingkurang politiko.
Pinakahuli sa langaw na natungtong sa kalabaw ang senior aide ng isang Senador na akala raw yata ay siya ang hari nang mura-murahin at laitin umano ang ordinaryong elevator girl ng Senado sa harap pa naman ng ilang bisita at kanyang mga kapuwa empleyado.
Nagalit daw ang alalay ng senador sa elevator girl nang payagang isakay ang push cart sa elevator na para lamang sa mga VIP.
Ipinaliwanag naman ni elevator girl na sira at kinukumpuni pa ang dalawang elevator kaya humaba ang pila sa ground floor pero hindi umano pinakinggan ni senior aide ang paliwanag at minura at pinahiya ang babae
Napaiyak na lang daw ang elevator girl pero nakarating na sa Office of the Sergeant-at-Arms ang insidente at iniimbestigahan na ito. Ang tanong na lang, ano kaya ang ipapataw na parusa ng Senador sa kanyang senior aide, Kakampihan kaya o kakastiguhin?
Mga mahahalagang susi sa tagumpay ng bawa’t estudyante
HINDI lang angking talino ang kailangan para manguna sa National Achievement Test (NAT) ang mga estudyante kundi husay din sa pagtuturo ng mga guro, gabay ng magulang, at suporta ng lokal na pamahalaan.
Sino ba naman ang mag-aakala na sa walong mga siyudad sa Metro Manila na pawang nakakuha ng above average sa idinaos na NAT, ang mga estudyante sa Grade 6 pa sa Navotas City ang nakakuha ng pinakamataas na score na 69.74 kumpara sa mga estudyante mula sa Quezon City, Makati, Valenzuela, Las Piñas, Parañaque, Mandaluyong, at Pasig Cities.
Binigyan nga ng papuri ni Mayor John Rey Tiangco ang dedikasyon ng mga guro, school heads, at mga tauhan ng School Division Office ng Navotas dahil sa kanilang kontribusyon sa kanilang pambihirang pagganap sa tungkulin na dahilan para makopo ng mga estudyante ang mataas na marka sa English, Mathematics, Science, Filipino, at Araling Panlipunan.
Level 2 accreditation, ibinigay ng DOH sa Navotas City Hospital
HIGIT pang mapagbubuti ang serbisyong medikal ang Navotas City Hospital dahil nakuha nito ang Level 2 na akreditasyon sa Department of Health (DOH) na dahilan para mabigyan ng Silver Trailblazer Award ng Institute for Solidarity in Asia at National Competitiveness Council.
Sabi ni Mayor John Rey Tiangco, hindi lang mga Navoteños ang nagtutungo sa kanilang pampublikong pagamutan kaya kinailangan nilang palawakin ang pasilidad at dagdagan pa ang mga serbisyong medikal tulad ng dermatology, gastroenterology, rheumatology, at pulmonology, bukod pa sa dati ng nephrology, endocrinology, neurology, at cardiology, pati na pagkuha ng mga doktor, nurses at mga health workers.
Ang natanggap na parangal, ayon sa alkalde, ay nagpapatunay lang na nasa tama ang kanilang direksiyon sa paghahatid ng pantay at de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan at sumasalamin sa kanilang pangako na ipagpatuloy ang pagpapabuti at pagbibigay prayoridad sa kapakanan at kagalingan ng bawa’t Navoteño,
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

