UAS

Frasco nagpasalamat sa 3 nominasyong nakuha ng DOT

Jon-jon Reyes Sep 27, 2024
76 Views

NAKAKUHA ang Department of Tourism (DOT) noong Martes ng tatlong nominasyon sa Asia Best of Best Awards, isang programa na kumikilala sa mga natatanging tagumpay sa malawak na hanay ng mga industriya sa Asya.

Nakatanggap ang DOT ng mga nominasyon sa mga sumusunod na kategorya: Best Marketing Campaign para sa “Love the Philippines” country branding, Best in Service-Customer Support para sa Tourist Assistance Call Center ng DOT at Tourism Secretary Christina Garcia Frasco para sa Best Woman Leader award.

Ipinahayag ni Tourism Secretary Frasco ang kanyang pasasalamat sa mga nominasyon.

“Ang Pilipinas tunay na biniyayaan ng likas na kagandahan, mula sa ating mga maringal na tanawin hanggang sa ating mayamang pamanang kultura at ang pinakamahalaga sa lahat–ang ating mga tao.

Misyon natin na tiyaking nakikita at nararanasan ng mundo ang mga kayamanang ito,” sabi ng kalihim.

Inilunsad noong Hunyo 2023, ang “Love the Philippines” campaign muling nagpapakilala sa bansa sa pandaigdigang merkado ng turismo sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa kakaibang kagandahan, biyaya at mabuting pakikitungo nito.

Itinayo sa apat na haligi, itinatampok ng kampanya ang biodiversity ng Pilipinas bilang isa sa 18 mega-diverse na mga bansa.

“Ang inisyatibo ng “Love the Philippines” nagsasabi ng kuwento ng puso ng ating bansa.

Ito ay isang paraan ng pagpapakita ng init ng ating mga tao, mga likas na kababalaghan ng ating bansa at ang malalim na kasaysayan ng kultura na nakapaloob sa ating mga pagdiriwang at lutuin,” sabi ni Secretary Frasco.

Ang kampanya ay umani ng malawakang suporta mula sa gobyerno at pribadong sektor. Sa loob ng 24 na oras ng paglunsad nito, ang social media sentiment monitoring tool na Sprinklr nakapagtala ng mahigit 59.1 milyong positibong reaksyon.

Ang Tourist Assistance Call Center (TACC) ng DOT, na hinirang para sa Best in Service-Customer Support, isang mahalagang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na pasiglahin ang industriya ng turismo.

Ang 24/7 multi-platform hotline nagbibigay ng real-time na impormasyong nauugnay sa paglalakbay, tulong sa emerhensiya at suporta sa parehong lokal at internasyonal na mga turista.

Noong Setyembre 22, 2024, ang TACC humawak ng higit sa 10,000 mga katanungan sa pamamagitan ng iba’t ibang mga platform tulad ng email, voice call, live chat at social media, na ang karamihan ng mga katanungan nagmumula sa Pilipinas, na sinusundan ng Estados Unidos at India.

Ipinagdiriwang ng ikatlong nominasyon si Tourism Secretary Frasco bilang isa sa nangungunang kababaihan sa Asya.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang DOT patuloy na kinikilala bilang isa sa mga pinagkakatiwalaang ahensya ng gobyerno sa Pilipinas.

Para sa panahon ng Hulyo 1-10, nakatanggap si Secretary Frasco ng 90% job performance rating sa mga opisyal ng gabinete, ayon sa survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation.

Ang administrasyon ni Kalihim Frasco patuloy ding itinataguyod ang pagpapalawak ng dive tourism at sinisimulan ang mga makabuluhang pagpapabuti sa imprastraktura sa buong bansa.

Suportahan ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagboto para sa Asia Best of Best Awards sa pamamagitan ng opisyal na website o sa pamamagitan ng pag-scan sa ibinigay na QR code. Bukas ang pagboto hanggang Setyembre 30, 2024.

Ang Asia Best of Best Awards inorganisa ng Golden Tree Events sa Dubai, UAE bilang bahagi ng programang World Best of Best Awards na nagdiriwang ng mga natatanging tagumpay sa iba’t- ibang industriya at rehiyon.