Gamitin pautang na may mababang interes sa infra na may pakinasabang sa ekonomiya

53 Views

IMINUNGKAHI ni Senador Mark Villar na gamitin ng gobyerno ang mga pautang na mababa ang interes sa mga proyektong pang-imprastraktura na may malaking pakinabang sa ekonomiya upang mapabilis ang paglago nito at matugunan ang lumalaking utang ng bansa.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget, inihalimbawa ni Villar ang Bataan-Cavite Interlink Bridge na tinatayang may 15 porsiyentong economic rate of return.

“It’s a very good formula for growth. You borrow money at one to 2%, you invest it in projects that yield 15%, and you generate economic growth,” ani Villar.

Ang economic rate of return ay sukatan ng inaasahang pakinabang ng isang proyekto sa ekonomiya kumpara sa gastos dito at hindi nangangahulugang katumbas na kita ng gobyerno.

Binanggit din ni Villar, dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang mga proyekto sa paligid ng Laguna de Bay at iminungkahing unahin ang mga imprastrakturang nasuri na ng ahensiya ng gobyerno sa pagpaplanong pang-ekonomiya.

Dahil sa mabagal na paglago ng ekonomiya at paghina ng pamumuhunan ng pribadong sektor, sinabi ni Villar na kailangang manguna ang gobyerno sa pagpapabilis ng paggastos.

“The government now should take the lead in public spending,” aniya.

Iminungkahi rin ni Villar na tapusin ng mga ahensiya ang proseso ng procurement at simulan ang konstruksyon sa unang anim na buwan ng taon upang maiwasan ang pagkaantala ng mga proyekto pagsapit ng tag-ulan.

Bukod sa malalaking kalsada at tulay, sinabi ni Villar na dapat ding pondohan ang mga riles, paliparan, pantalan at mga kalsadang magpapadali sa transportasyon at magbubukas ng mga oportunidad sa kabuhayan sa mga lalawigan.

“I’m hoping that this next budget season they will be concentrating on projects that have high economic returns or value, like access roads, bypass roads, or anything that would open avenues for economic development,” aniya.