Garin

Garin: Dapat malinaw papel ni VP sara kay Quiboloy

134 Views

DAPAT umanong maging malinaw ang papel ni Vice President Sara Duterte bilang kaibigan ni Pastor Apollo Quiboloy at ang kanyang trabaho bilang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ang sinabi ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin bilang tugon sa tanong kaugnay ng pagdalo ni VP Duterte sa prayer rally para suportahan si Quiboloy na naging isang anti-Marcos rally.

Si Quiboloy ay na-cite for contempt dahil sa kanyang hindi pagdalo sa pagdinig ng Senado sa mga alegasyon ng human trafficking at sexual abuse na nagaganap umano sa loob ng Kingdom of Jesus Christ at sa Kamara de Representantes na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga paglabag sa termino ng prangkisa ng Sonshine Media Network International.

“Two things, maybe the VP went there to be the instrument to unite our country at maganda iyan kapag ganyan ang gawin niya kasi nararapat talagang magsasama-sama dahil mas marami ang problema natin kapag nag-aaway-away,” sabi ni Garin sa isang press conference.

“But on the other hand, politically speaking, I am not sure [but] let’s have an academic discussion of the situation. Kung politika kasi ang pag-uusapan, siyempre alam naman ng lahat kung gaano kalawak ang koneksiyon ni Pastor Quiboloy and siyempre si Pastor hindi lang sa Pilipinas iyong mga pag-aari, it expands to other countries,” dagdag pa ng lady solon.

Sinabi ni Garin na hindi maitatanggi na mayroong impluwensya si Quiboloy hindi lamang sa bansa kundi maging sa mga Pilipino na nasa ibang bansa at maaari umanong ito ang tinitignan ni VP Duterte kung sakaling mayroon man itong ambisyong politikal.

“Una, may mga following siya (Quiboloy). Pangalawa, siyempre sa mga naririnig natin eh talagang loaded with economic ammunition si Pastor Quiboloy. Siyempre kung iyong isang tao ay meron kang political desires in the future, pwedeng puntahan mo as an ally. That’s just a theoretical assumption kumbaga sa politika, pwedeng ganun,” paliwanag ni Garin.

Sinabi ni Garin na ito ang dahilan kung bakit kailangang malinawan ang papel ni VP Duterte bilang miyembro ng Gabinete at bilang personal na kaibigan ni Quiboloy.

Bukod sa pagiging kalihim ng Department of Education, sinabi ni Garin na si VP Duterte rin ang caretaker ng gobyerno habang wala ang Pangulo.

Ang rally na dinaluhan ni VP Duterte ay naging isang anti-Marcos rally.

“Alam mo iyong being the VP, being the Acting President and being a member of the Cabinet vis-à-vis being a friend or a possible benefactor of Pastor, iyon iyung medyo dapat siguro mahiwalay,” saad pa ni Garin.

“Medyo masalimuot nga pero that’s basically, nandun tayo sa direksiyon na paano ba ihiwalay ang isang current official, iyon bang when you do good governance, is it good politics? When you do bad governance, bad governance ba is good politics? And good governance ba is bad politics? Siguro iyon iyung mga analysis na dapat nating tingnan,” dagdag pa nito.