Calendar
Garin: Walang impact sa DOH pananatili ni Vergeire bilang OIC
HINDI nakikita ng isang Visayas congresswoman na mayroong malaking impact sa Department of Health (DOH) ang pananatili ni Undersecretary Maria Rosario Vergeire bilang Officer in Charge (OIC) sa gitna ng patuloy na pananalanta ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Iloilo 1st Dist. Cong. Janette L. Garin na bilang dating Kalihim ng Health Department hindi nito nakikita na magkakaroon ng malaking impact ang pananatili ni Vergeire dahil ang kapangyarihan ng OIC ay kahalintulad lamang ng kapangyarihan ng isang Kalihim.
Ipinaliwanag ni Garin na batay sa kaniyang pagkakaunawa, binigyan naman ng “leeway” o karapatan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga DOH officials para magrekomenda ng sinomang indibiduwal na maaaring maging Kalihim ng ahensiya.
“Basically as a former Health Secretary I don’t there’s really a huge impact sa DOH. Kasi yung powers ng Officer in Charge (OIC) is the same powers as the acting. Except on appointive powers and base from my understanding, yung opisina ng Presidente ay binigyan naman ng leeway yung DOH officials natin na to recommend,” sabi ni Garin.
Aminado din ang kongresista na may mga bakanteng posisyon sa Health Department ang kailangan mapunan bunsod ng pagreretiro ng ilang empleyado dito. Kabilang aniya dito ang mga bagong director na kailangan at iba pang appointive position sa nasabing ahensiya.
“I think what is urgently needed now is dahil mayroon ngang mga nag-retire sa DOH. May mga bagong director na kailangan and for all other appointments to come out para yung mga unfilled positions ay mapunan kaagad,” dagdag pa ni Garin.