Calendar
Gas price pwede sumirit ng 50 cents/litro; diesel bababa
NAMUMURONG tumaas ng hanggang 50 sentimos kada litro ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo at malamang na matapyasan ng 70 sentimo kada litro ang presyo ng diesel at P1 sa kerosene.
Ibinatay ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Assistant Director Rodela Romero ang napipintong dagdag-bawas sa halaga ng mga produktong petrolyo sa apat na araw ng kalakaran ng langis mula Lunes hanggang Huwebes sa pandaigdigang pamilihan.
Ayon kay Romero, ilan lamang sa mga batayan ng paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ang pagtaas ng supply ng langis ng mga miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na dahilan para tumaas din ang imbentaryo.
Kasama rin sa kadahilanan ang naging pananaw ng International Energy Agency (IEA) na paghina ng pangangailangan sa langis sa maraming panig ng mundo, at ang pagbaba ng tensiyon sa pagitan ng China at Estados Unidos
Karaniwang nag-aanunsiyo ng paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis tuwing Lunes na ipatutupad tuwing Martes.

