Basura

Pasay, grupo sanib-pwersa vs baha, Manila Bay tinanggalan ng basura

Edd Reyes Aug 15, 2025
464 Views

SANIB puwersa ang Pasay at mga pribadong sektor sa paglilinis sa baybayan ng Manila Bay para maibsan ang pagbaha sa Metro Manila.

Ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano, pinangunahan na nila ang malawakang paglilinis sa Manila Bay, katuwang ang SM Smart City Infrastracture Development Corporation (SD SCIDC) at Pasay-Libertad Anglers Association (PLAA) bilang pagtalima na rin sa panawagan ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na pagtutulungan upang maibsan ang baha sa Kamaynilaan.

“Improper waste management is a serious issue that not only endangers public health, but also significantly contributes to flooding,” pahayag ni Mayor Emi.

Sa dami ng basurang inaanod sa lungsod na lubhang nakaka-apekto sa pamumuhay ng kanilang mamamayan, nanawagan ang alkalde na kailangan ang pagkakaisa upang maisaayos ang wastong pagtatapon ng basura para sa ligtas at malinis na kapaligiran.

Kailangan na nilang palakasin ang mga hakbang sa tamang paraan ng waste disposal pati na rin ang pagpapalalim sa mga kanal, estero, at iba pang daluyan ng tubig upang makaya nito ang dami ng tubig na ibinabagsak tuwing tag-ulan.