Calendar
Gatchalian duda sa testimonya ni Sheila Guo
DUDA si Sen. Sherwin Gatchalian sa testimonya ni Sheila Guo at nagbabala na maaaring kasinungalingan ang mga pahayag nito tulad ng ginawa ni Alice Guo na kilala rin bilang Guo Hua Ping.
Pinaalalahanan ni Gatchalian ang publiko na huwag magpadala sa mga kasinungalingan at manipulasyon ni Sheila Guo na naihayag sa mga pagdinig.
Ipinunto ng senador na ang mga sinasabi ni Sheila halos kapareho ng kwento ni Alice Guo, ang pinatanggal at dating alkalde ng Bamban, Tarlac.
Naniniwala din si Gatchalian na ang pagtakas ni Sheila mula sa bansa bahagi ng isang maayos at planadong operasyon ng kanilang grupo.
“Ito ay parehong estratehiya na nakita natin kay Guo Hua Ping.
Hindi natin ito dapat tanggapin agad-agad. Pati ang pagtakas nila, palagay ko matagal na itong nakaplano,” dagdag pa ni Gatchalian.
Nangako siyang sisiyasatin kung sino ang mga nasa likod ng pagtakas lalo na ngayong panahon na ng budget season, at pananagutin din ang mga dapat managot sa maling paggamit ng pondo para sa intelligence funds.
Pinagdudahan din ni Gatchalian ang aksyon ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco na hindi agad isiniwalat ang pag-alis ni Alice Guo hanggang sa mabanggit na lamang ito ni Sen. Risa Hontiveros.
“Bakit inabot ng limang araw bago nila inilabas ang impormasyong ito? Kung hindi pa nabanggit ni Sen. Risa, maaaring hindi natin nalaman ito,” ani Gatchalian.
“Pati ang Pangulo at DOJ hindi inaasahan ito. Sinabi ni Commissioner Tansingco na nasa Vietnam siya, pero ito pa rin ang kanyang responsibilidad. Isang napakalaking pagkukulang ito ng Bureau of Immigration,” sabi pa ni Gatchalian.
Naunang isiniwalat ni Senador Hontiveros na may isa pang Sheila Guo na natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon sa NBI, si Sheila Guo No. 1 at No. 2 may parehong detalye ng kapanganakan at address, ngunit may magkaibang litrato, na nagdulot ng hinala tungkol sa pagnanakaw ng pagkakakilanlan o mas kilala bilang stolen identity.
Matatandaang unang isiniwalat ng NBI na si Alice Guo may kaparehong petsa ng kapanganakan at address sa isa pang tao na nagngangalang Alice Guo, ngunit may magkaibang litrato, na lalong nagpapatibay sa posibilidad ng nakaw na pagkakakilanlan.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Sheila Guo na hindi si Guo Jian Zhong, o mas kilala bilang Angelito Guo, ang kanyang tunay na ama at si Wen Yi Lin, ina ni Alice Guo, ay tiyahin niya sa totoong buhay.
Ngunit tumanggi siyang ibunyag ang pagkakakilanlan ng kanyang mga tunay na magulang, kung saan ipinunto niyang may kasalukuyan kaso na siya at karapatang niyang hindi na magsalita dahil sa mga kasong kinakaharap niya kaugnay ng paglabag sa Philippine Passport Act at batas sa imigrasyon.