Gatchalian

Gatchalian hinimok mga LGU na manindigan laban sa POGO

153 Views

HINIMOK ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga local government units (LGUs), kung saan isinasagawa ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), na manindigan hinggil sa epekto ng pananatili ng industriya sa kani-kanilang lokalidad.

Sinabi ni Gatchalian na ang ilang mga LGU, lalo na ang itinuturing na pinagpupugaran ng mga kumpanya ng POGO, ay nagsimula nang tukuyin ang implikasyon ng POGO operations sa kani-kanilang mga lugar. Kabilang sa mga naturang LGU ang Manila, Pasay, at Paranaque.

“Responsibilidad ng alkalde at ng local chief of police ang nangyayaring krimen sa kanilang nasasakupan. Kaya, nagiging lokal na isyu na ito at problema ng komunidad,” ani Gatchalian. Binahagi niya na ang Pasig City ang unang LGU na nagpasa ng ordinansa na nagbabawal sa mga POGO matapos makitang mas malaki ang perwisyo sa komunidad ng mga POGO kaysa sa mga benepisyong nakukuha sa mga kumpanyang ito.

“Ang dapat nating pagsikapan ay ang isang mapayapa at maayos na lipunan, isang bansa kung saan maaari nating anyayahan ang mga mamumuhunan, turista, at mga kaibigang banyaga. Hindi sila pupunta dito kung nabasa nila sa mga report na may mga krimeng nagaganap,” sabi ni Gatchalian.

Binigyang-diin niya na ang mga organisasyong may kakayahang mangidnap at magsagawa ng illegal detention ay hindi mga lehitimong negosyante kundi mga sindikatong kriminal.

“Ang mga sindikatong kriminal lamang ang maaaring magsagawa ng pangingidnap at illegal detention na nagdudulot ng hindi magandang epekto sa ating komunidad. Nakakabahala na baka pati mga alagad ng batas ay makain pa ng sistema at magiging mas mahirap para sa atin kalaunan dahil posibleng makontrol na sila ng mga kriminal na operasyon sa bansa,” dagdag niya.

“Huwag tayong mang-akit ng mga investor na nagdadala lamang ng krimen. Parang kumakapit tayo sa patalim. May mga lehitimo namang mamumuhunan na maaaring magdala ng investments at maglikha ng mga trabaho,” aniya. Sinabi pa ng senador na sa kaso ng mga POGO, 90% ng kanilang mga empleyado ay foreign nationals at 10% lamang ang mga pinoy. “Dapat pangalagaan natin ang ating mga kababayan,” giit ng senador.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, na nagsagawa ng pagsisiyasat sa operasyon ng mga POGO sa bansa, inirekomenda ni Gatchalian ang agarang pagbabawal ng mga POGO sa bansa.