Gatchalian

Gatchalian: Imbestigahan paglaganap ng spam, phishing text messages

410 Views

NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng resolusyon na nananawagan ng imbestigasyon sa paglaganap ng spam at phishing text messages upang protektahan ang seguridad at privacy ng mga konsyumer.

“Nakakabahala na sa kabila ng sinasabi ng telecommunications companies na na-block na nila ang malaking bilang ng mga spam at phishing text messages, patuloy pa rin ang problema ng mga subscribers tungkol dito,” sabi ng senador. Aniya, ang mga spam at phishing messages ngayon ay may kasama nang pangalan ng mga binibiktimang subscribers kumpara sa random messages na karaniwang pinapadala.

Sabi pa ng senador, maliwanag na paglabag ito sa privacy ng mga telco subscribers na nagdudulot ng takot na ang kanilang mga personal na detalye ay maaaring makompromiso.

Ayon pa sa mambabatas, ang mga kinauukulang ahensya ay kailangang magsagawa ng mas epektibong interbensyon para pigilan ang paglaganap ng mga spam messages na naglalaman ng impormasyon na lumalabas na galing sa mapagkakatiwalaang source na nagtatangkang nakawin ang mga sensitibong impormasyon ng konsyumer tulad ng username, password, at mga detalye ng credit card.

Noong Nobyembre 2021, isang interagency group ang nilikha sa pangunguna ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) upang tugunan ang problema. Kabilang sa interagency group ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Privacy Commission (NPC), National Telecommunications Commission (NTC), Department of Justice (DOJ), National Security Council, at Anti-Money Laundering Council (AMLC). Pero lumalabas na kulang pa ang inisyatibong ito dahil nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon ang isyu sa spam at phishing messages.

Binanggit ng senador na noong Hunyo ng taong ito, higit sa 23 milyong text messages sa loob ng apat na araw ang na-block na raw ng PLDT Inc. ng mga nagtangkang magnakaw ng personal na data ng konsyumers. Sinabi naman ng Globe Telecom na hinarang din nito ang mahigit 138 milyong spam at scam text messages sa loob ng anim na buwan mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

“Malinaw na hindi sapat ang mga hakbang na ginawa ng inter-agency group upang matugunan ang problema dahil ang mga telco subscribers ay patuloy na nakakatanggap ng mga spam at phishing messages. Higit pang mga interbensyon ang kailangang gawin ng gobyerno para matuldukan ang mga ganitong gawain,” pagtatapos ni Gatchalian.