Gatchalian

Gatchalian kinondena paggamit ng bala, korona ng patay ng online lenders para maningil

19 Views

BALA at korona ng patay ang ginagamit ng maraming lending na kumpanya para makasinggil sa mga umutang na hindi makapagbayad.

Ito ang ibinunyag ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa nakakabahalang paggamit ngayon ng ilang nagpapautang online ng korona ng patay bilang paraan upang masingil ang kanilang mga pinagkakautangan.

Ipinahayag ng senador ang kanyang pagkabahala sa mga aniya’y lalong nagiging marahas na taktika ng ilang online lending companies sa paniningil ng utang—umaabot pa raw sa pagpapadala ng mga gamit na may kaugnayan sa kamatayan at hayagang kahihiyan sa mga komunidad ng mga borrower.

“Pinapahiya pa sa komunidad at minsan nagpapadala pa ng korona ng patay o bala,” ani Gatchalian sa isang mariing pahayag, kung saan tinukoy niya ang maraming reklamo na natanggap ng kanyang opisina mula sa mga borrower na dumulog sa kanya.

Ayon sa senador, lumilitaw sa mga ulat na inaabuso at tinatakot ng mga nagpapautang ang mga borrower, kahit isang araw pa lang silang nahuhuli sa bayad. Iginiit niya na ang mga ganitong paraan ay nakakatakot at lumalabag sa dangal ng tao.

Bilang tugon, isinusulong ni Gatchalian ang pagpasa ng Senate Bill No. 818, o ang Fair Debt Collection Practices Act, na naglalayong ipagbawal ang mga mapang-abusong, nagbabanta, at nakakahiyang paraan ng paniningil ng utang.

Tinatakda ng panukalang batas ang pagbabawal sa paggamit o banta ng karahasan, malaswa o bastos na pananalita, at ang pagbubunyag ng pagkakakilanlan ng borrower sa publiko.

“Karapatan din ng mga nagpapautang na maningil pero dapat nasa wasto at tamang pamamaraan. Dapat makatarungan at legal yung pangongolekta at hindi pananakot at pagbabanta sa buhay,” dagdag pa niya.

Ang mga online lending platforms (OLA) ay mabilis na lumaganap sa bansa sa mga nagdaang taon, nag-aalok ng agarang pautang ngunit may kaakibat ding mga isyu sa proteksyon ng mamimili.

Naiulat na ang ilan sa mga platform na ito ay kumukuha ng personal contact list ng borrower at nagpapadala ng mga mensaheng may pagbabanta o paninira sa mga kaibigan at kapamilya.

Hinikayat din ni Gatchalian ang Securities and Exchange Commission (SEC) na higpitan ang mga alituntunin sa pagrerehistro ng mga kumpanya ng pautang.

Ipinaliwanag niya na sa kasalukuyang batas, maaaring magpatakbo ang isang kumpanya ng maraming lending app sa halagang Php 1 milyon lamang na kapital, anuman ang dami ng platform na kanilang pinamamahalaan.

Batay sa datos ng SEC, may 117 na rehistradong lending at financing companies at 181 OLAs sa Pilipinas sa kasalukuyan.

Bagama’t nagsagawa na ng mga enforcement actions ang SEC tulad ng cease-and-desist orders laban sa mga lumalabag, iginiit ni Gatchalian na kailangan pa rin ng suporta mula sa batas upang matugunan ang lawak at tindi ng mga pang-aabuso.

Layunin ng kanyang panukala na matiyak ang makatarungan at makataong proseso ng paniningil—pinoprotektahan ang karapatan ng mga nagpapautang na mabayaran at ang karapatan ng mga borrower sa dangal at kaligtasan.