Classroom Source: DepEd file photo

Gatchalian: Maging maparaan upang matugunan kakulangan sa classroom

56 Views

BINIGYANG-DIIN ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang pangangailangan para sa iba’t ibang mga solusyon upang matugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Batay sa National School Building Inventory ng Department of Education (DepEd) noong 2023, tinatayang umaabot sa 165,443 ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.

Tinataya namang P413.6 bilyon ang kinakailangang pondo upang mapunan ang mga kakulangang ito. Dahil sa laki ng kakailanganing pondo para makapagpatayo ng mga karagdagang silid-aralan, binigyang diin ni Gatchalian na kinakailangang humanap ng iba’t ibang paraan upang matugunan ang pangangailangan ng sapat na bilang ng mga classroom.

Isa sa mga isinusulong ni Gatchalian ang pagpapatupad ng tinatawag na ‘counterpart program,’ kung saan pinopondohan ng mga nakikilahok na local government units (LGUs) ang 50% ng halagang kailangan para sa pagpapatayo ng mga bagong classrooms, habang sagot naman ng national government ang natitirang 50%.

Ganito rin ang programang ipinatutupad noong panahong naninilbihan pa si Gatchalian bilang alkalde ng lungsod ng Valenzuela. Ayon sa mambabatas, mapapabilis sa ganitong paraan ang pagpapatayo ng mga silid-aralan

Binigyang diin din niya ang papel ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) upang mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan. Maaari rin aniyang gamitin ang public-private partnerships upang tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan.

“Dahil napakarami pang kulang na silid-aralan sa ating bansa at sa laki ng halagang kakailanganin natin upang mapunan ang naturang kakulangan, kailangang humanap tayo ng iba’t ibang mga paraan upang matugunan ang hamong ito. Kung hindi tayo magiging maparaan sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, patuloy lamang na lalaki ang mga kakulangang haharapin natin,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Sa isang talakayang pinamunuan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), pinuna ang hindi mabisang paggamit sa Basic Education Facilities Fund (BEFF) bilang isa sa mga dahilan kung bakit naaantala ang pagpapatayo ng mga silid-aralan. Noong nakaraang taon, 192 lamang sa 6,379 na mga silid-aralan ang naipatayo batay sa isang ulat ng Commission on Audit. Binigyang diin din sa naging talakayan ang mga hamon sa procurement at sa ugnayan sa pagitan ng DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH).