Dy

Gawa-gawang ‘PDEA Leaks’ ginagamit para sirain Marcos admin

Mar Rodriguez May 2, 2024
165 Views

NANINIWALA si House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na ang testimonya ng isang dating ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iligal na droga ay bahagi ng mas malaking plano para siraan at pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.

Sa isang press conference, nagkasundo rin sina Acidre, Deputy Majority Leader at Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy, at Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Amparo Maria “Pammy” Zamora na hindi mapagkakatiwalaan ang kredibilidad ng sinibak na PDEA agent na si Jonathan Morales.

“I think it becomes even more clear now na itong mga pangyayaring ito ay kaparte ng isang mas malaki pang effort to discredit and destabilize the current administration,” sabi ni Acidre.

Sa ginanap na pag-dinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, sinabi ni Morales na totoo ang dokumento na nagdadawit sa Pangulo noong siya ay senador pa lamang at ang aktres na si Maricel Soriano sa paggamit ng iligal na droga.

Ngunit ayon kay PDEA Director General Moro Virgilio Lazo walang rekord sa ahensya ang sinasabing papel ni Morales.

Sinabi ni Lazo sa pagdinig na walang basehan at gawa-gawa lamang ang mga alegasyon ni Morales at hindi aniya dapat pagkatiwalaan ng Senado ang isang indibidwal na sangkot sa perjury o pagsisinungaling matapos nitong itago ng mag-apply sa PDEA na siya ay sinibak ng Philippine National Police (PNP).

Nagtataka rin si Acidre kung bakit napasama si Morales bilang resource person ng pagdinig ng Senado gayong ang ipinatawag na imbestigasyon ay kaugnay ng nakumpiskang 1.4 tonelada ng shabu sa Alitagtag, Batangas na nagkakahalaga ng P9.68 bilyon.

“Katulad nyo medyo naguguluhan din ako,” ani Acidre. “Pinapakita siguro based on the testimony na talagang mas na-prove pa natin na itong si Morales eh nagsisinungaling.”

Dagdag pa ni Acidre mas naging kaduda-duda ang pahayag ni Morales matapos sabihin ng PDEA na computerized, serialized, at hindi maaaring mabura ang naipasok na sa kanilang rekord.

Kinuwestyon din ni Dy kung bakit pinaharap si Morales sa pag-dinig na dapat ay tungkol sa nasabat na droga sa Batangas.

Sinabi ni Dy na sa kasalukuyang teknolohiya ay madali ng gumawa ng pekeng dokumento.

“Dapat ang tatalakayin nung panahon na ‘yun ay ‘yung na-seize na 1.4 tons na shabu pero umabot na pinag-uusapan na ‘yung supposedly leaked PDEA documents, which are so easy to fabricate nowadays,” punto ni Dy. “Nakita naman natin may deepfake technology na, napakadaling mag-fabricate ngayon ng mga dokumento.”

Diskumpiyado si Dy sa mga testimonya ni Morales lalo na at may bahid na ang kredibilidad nito dahil bukod sa natanggal na pulis ay mayroon din umano itong kinakaharap na reklamo sa PDEA.

Wala rin naman aniyang sapat na ebidensya para mapatunayan ang pahayag ni Morales at pinasinungalingan na mismong liderato ng PDEA na mayroong ganoong mga dokumento.

“So, are we gonna believe the agency itself or a former agent na wala namang kredibilidad? Para sa akin napakadali ng pagpipilian natin,” Dy said.

Kinuwestyon naman ni Zamora ang authenticity ng mga dokumentong inilabas ni Morales.

Sabi na rin kasi ng PDEA na walang control number ang naturang dokumento.

“Wala sa kahit anong record ng PDEA ‘yung ganong dokumento. So, obviously the document doesn’t exist,” ani Zamora.

Kulang din ani Zamora ang nilalamang impormasyon ng dokumento partikular ang address.

“‘Pag binasa mo naman ho ‘yung address, para sa akin wala naman ho atang ganoong address. There was a unit number tapos nakasulat nalang Rockwell Makati,” saad ng Taguig solon

Dagdag pa niya,” Kahit sino sa atin, kahit pumunta tayo ngayon sa Rockwell wala tayong mahahanap na ganong address, sure po ako. Wala pong naka indicate na kahit anong building, kahit anong kalye…Totoo na po ba ‘yung dokumento? So parang medyo doon po ako nag-aalangan sa dokumentong iyon.”