Garin

Giit ng mga kongresista: Walang political Cha-cha sa RBH No. 7

Mar Rodriguez Mar 8, 2024
117 Views

Muling iginiit ng mga lider ng Kamara de Representantes na walang kasamang pag-amyendang politikal sa isinusulong nitong Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 na para lamang sa economic reforms.

Ang pahayag ng mga kongresista ay kasunod ng pangamba ng mga miyembro ng Makabayan bloc na maaaring magsingit ang Kamara ng political amendments sa RBH 7.

Sinabi ni Deputy Majority Leader at Iloilo First District Rep. Janette Garin, na siya ring deputy floor leader ng Committee of the Whole House na ito ay imposible ay hindi hahayaang mangyari.

“I believe, talking to most members of the House, almost all are supportive of the (resolution) ay limited duon sa tatlong amendments (public utilities, basic education and advertising),” ani Garin bilang tugon sa isang tanong sa ginanap na press conference ngayong Huwebes.

“It will be political suicide. Ilang beses kami humaharap sa inyo at sinasabi namin, ang layunin ng RBH 7 or economic chacha ay bigyang daan ang mga investors pumasok, para sa mas maginhawang buhay, mas maraming trabaho, mas malaking sahod, and at the same time, mas magiging affordable ang mga utilities sa atin dahil may kompetisyon,” pagpapatuloy nito.

“Pag walang monopoliya, talaga namang mas beneficial sa taong bayan. So hindi ko talaga nakikita ang linya dito papunta sa alegasyon ng political amendments. Parehong-pareho lang ‘yan doon sa paulit-ulit ko na tinatanong, paano po ba naging national security concern ang economic chacha? Kasi hindi ko rin makita ang tuhog,” dagdag pa ni Garin.

Sinuportahan naman ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ang apela ni Garin sa Makabayan bloc.

“Alam niyo, it’s very very simple. Ilan beses na pong tumayo ang mga kongresista at nagsabi na there will be no political agenda sa pag-a-approve po ng RBH 7. Alam niyo, number one is trust issues. It is political suicide if we continue na ipaglaban iyong pulitikal na aspeto ng Charter Change, unang-una po yan,” sabi ni Rillo.

Naniniwala si Rillo na tututulan ng mga mambabatas ang anumang tangka na magkaroon ng political amendment.

“Kami po na nandito ang mag-o-oppose kung sakali may isa pang Kongresista o isang tao na magpasok ng ika nga political agenda dito sa ating Charter Change. Kami po mismo ang tatayo at tututol sa ano mang bagay na iyan,” sabi nito.

“Kaya, we give the assurance that only to our counterparts, the Senate but to the people na kakampi niyo po ang Kongreso. Ang aming ginagawa po dito is very clear, the marching orders is to improve the economic provisions,” dagdag pa ni Rillo.

Inanyayahan naman ni Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang Makabayan bloc na repasuhin ang mga nangyari sa nakalipas na dalawang linggo sa deliberasyon ng RBH No. 7 kung saan sila ay lumahok.

“Isn’t it already proof that what we have seen for several weeks since the start of the discussion of RBH 7, isn’t it enough that it is proof that we are only limited our discussion to economic provisions? Nakita po nating iyong flow of the committee hearing of the Committee of the Whole,” ani Adiong.

Punto ni Adiong ang mga inimbitang resource person ay may kaugnayan lamang sa public utilities, edukasyon at advertising, na siyang saklaw ng hinihiling na pagbabago sa RBH 7.

“There was no invitation sent to any organization or individual or maybe expert on political issues. So, I think we have to work on the basis of trust…we cannot achieve anything if every step of the way, we always have doubts on our colleagues,” sabi ni Adiong.

Umapela rin ni Adiong na magtiwala kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. “because the President is very clear that what he wants is just to revisit the economic provisions and no other and RBH 7 Resolution is very very clear and concise, we would only debate on, discuss on economic provisions.”

“So, I think what we have witnessed in the previous days and weeks is already enough evidence to dispel in any rumors, apprehension or any tsismis na sinasabing baka ma-expand ang coverage ng discussion in the coming days,” giit pa nito.

Sinabi naman ni Garin na ang pangamba ng Makabayan bloc ay maaaring dahil sa kanilang kawalan ng tiwala sa sistema.

“Yung mga haka haka o takot na pinag uusapan, that’s actually the problem, if you are legislating with many fears behind your mind. Dapat kasi bilang mga kongresista, ang tinitignan natin, ano ba ang mga batas na kailangan ng taongbayan? Where can we participate? That statement possibly points to a distrust within the system and that is something na pinapakita nga natin na tinatanggal. Kaya matutugunan lang itong distrust na ito kapag talagang i-tackle (ang RBH 7),” dagdag pa ni Garin.

Muli namang iginiit ni Rillo ang kahalagahan ng panukalang economic amendments na pinaghihinalaan ding magdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Dito po sa economic provisions na ginawa ng Kongreso is to invite more investors to come into our country. Maraming dayuhan ang mangangapital at maghahanap-buhay, magbubukas ng negosyo sa ating bansa. If we do that, we increase jobs, magkakaroon tayo ng mas maraming pera, magkakaroon tayo ng mas maraming trabaho at pagnagkaroon ng maraming trabaho, nagkaroon ng maraming pera, tumataas din iyong tax na ating koleksiyon sa ating gobyerno,” sabi pa nito.

“By doing that, we give more food on the table for our families. Paano po tayo magkakaroon ng inflation kung nagpapasok nga tayo ng hanap-buhay?” tanong ni Rillo.

“We are working for the people. Ang aming gusto lamang dito ay hindi makinabang ang malalaking monopolyong negosyo na sila lang iyon. Dapat dito may kompetisyon tayo. Dapat dito lahat makapaghanap-buhay, lahat makinabang sa mga dapat pakinabangan sa ating gobyerno, at higit sa lahat ang taongbayan,” dagdag pa nito.