Antonio Tinangka ni Will Antonio ng Philippines na makaiskor laban sa New Zealand. FIBA photo

Gilas-PH, di umubra sa New Zealand

Theodore Jurado Jul 1, 2022
296 Views

MAGAAN na dinispatsa ng New Zealand ang Philippines, 106-60, upang makumpleto ang four-game sweep of Group A assignments sa FIBA World Cup Asian Qualifiers kahapon sa EventFinda Stadium sa Auckland.

Kumarera ang Tall Blacks, na tinalo rin ang Gilas, 88-63, noong February, sa 47-21 halftime lead at hindi na lumingon pa upang ma-protektahan ang kanilang malinis na first round record.

May 11 lamang na manlalaro, hindi mapantayan ng Gilas ang Tall Blacks, na angat sa kanilang bentahe sa taas.

Haharapin ng Philippines, na bumagsak sa 1-2, ang India sa pagtatapos ng Group A action Linggo ng gabi sa Mall of Asia Arena.

“We have to learn from this game and move on for this Sunday’s game. Everything that happened today, we have to learn from it. And when we go back to the Philippines, we have to take care and focus on the next one,” sabi ni SJ Belangel.

Sa pagliban ni 6-foot-10 naturalized center Ange Kouame, kumislap para sa Gilas sina collegiate champions Carl Tamayo at Rhenz Abando.

Isa sa mga vital cogs ng title run ng University of the Philippines sa UAAP noong May, si Tamayo ang pinakamahusay na first half performer para sa Gilas na may siyam na puntos, kabilang ang lima sa kaagahan ng first period. Tumapos siya na may team-high 16 points at limang rebounds.

Ang NCAA champion mula sa Letran na nasa kanyang national team debut, nagbigay si Abando ng 11 points sa 16 minutong paglalaro.

Nanguna si Dion Prewster para sa New Zealand na may 15 points at dalawang two assists habang nagdagdag si Finn Delany ng 14 points at pitong rebounds.

Iskor:

New Zealand (106) — Prewster 15, Delany 14, Rusbatch 12, Ngatai 12, Webster 11, Ili 10, Vodanovich 8, Britt 7, Cameron 6, Smith-Milner 5, Timmins 4, Harris 2.
Philippines (60) — Tamayo 16, Abando 11, Lopez 8, Ravena 6, Ramos 6, Quiambao 4, Belangel 3, Abarrientos 2, Chiu 2, Navarro 2, Ildefonso 0.
Quarterscores: 23-13, 47-21, 73-43, 106-60