PCSO

Ginang sa Cavite isa sa 4 na nanalo ng lotto jackpot noong Enero

464 Views

ISANG 49-anyos na ginang na taga-Maragondon, Cavite ang isa sa apat na maghahati sa P42.9 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na tinamaan sa bola noong Enero 6.

Pumunta na ang ginang sa main office ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa Mandaluyong City upang kunin ang kanyang premyo.

Ayon sa ginang, ang mga numerong 23-01-09-24-12-07 na kanyang tinayaan ay may kinalaman sa kaarawan ng kanyang mister at dalawang anak.

Bahagi umano ng kanyang napanalunan ay gagamitin upang ipagawa ang kanyang bahay at ang matitira ay kanyang itatabi.

“Mabilis pong maubos ang pera, kaya dapat pag-isipan mabuti kung saan ito gagamitin. Marami pong salamat sa Panginoon at sa mahigit na 20 years na pagtaya ay pinagkalooban din kami ng panalo. Salamat din po sa PCSO dahil napakadami nyo pong natutulungan na mga nangangailangan,” sabi ng nanalo.