Speaker Romualdez

Gisingin ang diwa ng kabayanihan, tumulong sa pagpapalaya ng bansa mula sa kahirapan—Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Jun 13, 2023
124 Views

Speaker RomualdezHINIKAYAT ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez ang mga Pilipino na gisingin ang diwa ng kabayanihan at tumulong sa bansa sa pagharap nito sa mga hamon.

Kasabay nito ay kinilala ni Speaker Romualdez ang mga Pilipino na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaang tinatamasa ngayon ng bansa.

“Sa araw na ito, gisingin natin ang kabayanihan sa bawat isa sa atin,” ani Speaker Romualdez na dumalo sa wreath-laying ceremony sa Bonifacio Monument sa Caloocan City bilang bahagi ng paggunita sa ika-125th Independence Day.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na matuto mula sa aral na iniwan ng ating mga bayani gaya ni Gat Andres Bonifacio, ang Ama ng Himagsikan sa Pilipinas.

“Hindi natin mailalatag ang daan tungo sa magandang kinabukasan kung hindi pag-aaralan ang landas na tinahak ng mga naunang henerasyon. Utang natin sa kanila ang kalayaang tinatamasa natin ngayon,” sabi ng lider ng Kamara de Representantes.

Sinabi ni Speaker Romualdez na kailangan pa rin ngayon ang mga bayani gaya ni Bonifacio subalit hindi para maghimagsik kundi para pangunahan ang paglaban sa kahirapan at kagutuman na nararanasan ng mga Pilipino.

“Sa ganang akin, hindi pa tapos ang laban ni Gat Andres at iba pa nating bayani,” sabi ni Speaker Romualdez. “Laban din ito para wakasan ang kagutuman. Laban para maranasan ang ginhawa sa buhay. Laban para matiyak ang magandang kinabukasan.”

“Maging bayani para iangat ang buhay ng pamilya. Kumilos para maging bahagi ng solusyon sa mga problema ng bayan. Maging bayani para sa bansa at para sa kapwa,” dagdag pa nito.

Nangako naman ni Speaker Romualdez na gagawin ng Kamara de Representantes ang mandato nito upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.

“Asahan po ninyo, lagi ninyo akong kasama sa labang ito,” sabi pa ng kinatawan ng unang distrito ng Leyte.

Nauna ng sinabi ni Speaker Romualdez na mananatiling nakatuon ang atensyon ng Kamara sa pagpasa ng mga panukalang batas upang magpatuloy ang magandang takbo ng ekonomiya para sa pakinabangan ng mga Pilipino.

Sa pagtatatpos ng unang regular session ng 19th Congress, naaprubahan na ng Kamara ang 33 sa 42 panukala na hiniling ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang prayoridad na maipasa.

Naproseso na rin ng Kamara ang 9,600 panukala na binubuo ng 8,490 panukalang batas, 1,109 resolusyon, at isang petisyon.