Speaker Romualdez

Gobyerno di titigil na tumulong hanggang may Pilipinong nagugutom — Speaker Romualdez

97 Views

HINDI titigil ang gobyerno na tumulong hanggang may Pilipinong nagugutom.”

Ito ang paniniguro ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa isang panayam sa Zamboanga City noong Biyernes.

Kasama ang higit 90 na mga kongresista, namahagi si Speaker Romualdez ng milyun-milyong pisong cash assistance at tone-toneladang bigas sa mga taga-Zamboanga City sa ilalim ng Serbisyo Fair Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Speaker Romualdez, “Di ba ito ang pangako ng administrasyong Marcos na walang maiiwan dahil sabay-sabay babangon? Kaya this is it.”

Bukod sa pamamahagi ng 25 kilos na bigas sa libu-libong dumalo sa Bagong Pilipinas Fair ng pamahalaan, may tig-P3,000 cash pa ang bawat pamilya na naroon.

“Pansamantala lang naman itong pamimigay natin ng cash at bigas sa bawat pamilya habang naghahanap ang gobyerno ng permanenteng solusyon para maibsan ang kagutuman ng mga mahihirap na mga kababayan natin,” ani Speaker Romualdez.

Pati ang ilang daang estudyante ay nabigyan ng P15,000 cash para sa kanilang mga pangangailangan sa paaralan.

“Ang Kongreso po ay laging maglalaan ng pera para sa mga kababayan natin na hindi lang mga mahihirap, pati mga estudyante,” dagdag pa ng House Leader.

Namahagi rin ng puhunan para sa small businesses si Speaker Romualdez na bahagi pa rin ng Serbisyo Fair ng pamahalaan.