Onion

Gobyerno gumagawa ng paraan para mapanatili presyo ng sibuyas

Chona Yu Apr 24, 2024
96 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa magsasaka ng sibuyas sa Mimaropa na may ginagawa nang solusyon ang pamahalaan para mapanatili ang presyo sa merkado.

Partikular na tinutukoy ni Pangulong Marcos na intervention ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga cold storage facilities upang mapanatili ang kalidad at mapapatag ang presyo ng produktong agrikultural sa panahon ng mataas na ani.

Ayon kay Pangulong Marcos, makikinabang ang mga magsasaka at mga mamimili sa pagtatayo ng mga imbakan o cold storage facilities.

“Ang talagang problema dahil nag-over produce tayo, bababa talaga ‘yung presyo pero para makabawi naman na hindi kailangan ipagbili kaagad ay ‘yung cold storage. Kaya’t maglalagay tayo ng cold storage at mayroon tayong bagong design na cold storage kasi naging problema talaga dito sa inyo ‘yung mahal ang kuryente, kaya’t ang solusyon diyan lalagyan lang natin ng solar power,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Yun talaga ‘yung kailangan para ‘yung presyo kasi pagka tag-araw, siyempre nag-aani tayo ng sibuyas, bababa, maraming supply, bababa ‘yung presyo. Pag may cold storage tayo hindi na kailangan ipagbili kaagad. Kung ano man lang ang kailangan, ano ‘yung demand, para pati na sa consumer, ‘yung presyo ay medyo pantay-pantay kahit tag-araw, tag-ulan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Sinabi naman ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nagtatayo na ang ahensya ng dalawang cold storage facilities sa lalawigan kung saan isa sa San Jose at isa pa sa Magsaysay na kapwa may kakayahang mag-imbak ng 1,400 tonelada.

Ipinunto pa ng kalihim na sa susunod na taon ay magtatayo rin ang DA ng lima pang karagdagang pasilidad na susuportahan ng budget para sa taong ito.

“Mayroon pa tayong matatanggap na suporta mula kay Presidente through DOF at DBM na maglaan ng maraming cold storage na solar,” pahayag ng kalihim.

“Baka ang target namin ay bumili ng 600 units eh na containerized cold storage na ibibigay sa bawat cooperative para makatulong sa pag-store ng mga harvest n’yo during peak season para maibenta n’yo later at hindi magsabay-sabay bumagsak sa merkado at bumagsak ang presyo ninyo,” dagdag ng opisyal.