Volcano

Gov’t may nakalatag ng SOP sa pag-aalburuto ng Taal Volcano

Chona Yu Oct 3, 2024
116 Views

MAY nakalatag nang standard operating procedure (SOP) ang pamahalaan sa pagtugon sa nag-aalburutong Bulkang Taal at iba pang uri ng kalamidad.

Sa ambush interview sa Pasig City, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na alam na ng mga ahensiya ng pamahalaan ang gagawin sa tuwing may mga insidente ng sakuna o iba pang uri ng kalamidad, pagputok man ng bulkan, malakas na bagyo o lindol.

Ayon kay Pangulong Marcos, sa panig ng ehekutibo ay patuloy silang nakabantay sa sitwasyon para makita kung saang lugar ang kailangang bigyan ng espesyal na atensyon o saan pwedeng mag adjust ng pagtugon.

Pinakakalma naman aniya ng Phivolcs ang publiko dahil hindi pa naman malala ang sitwasyon.

Pero pagtitiyak ni Pangulong Marcos, ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan para masigurong ligtas ang mga residente.

Kung kakailanganin aniya ay ililikas ang mga tao sa ligtas na lugar tulad ng ginagawa noon ng gobyerno.