Grade 3 tinangkang sagipin tsinelas na inanod, nalunod

Edd Reyes Jul 28, 2026
22 Views

NALUNOD ang pitong-taong gulang na Grade 3 pupil na batang lalaki nang tangkaing makuha ang tsinelas na inanod sa isang creek Lunes ng gabi sa Taguig City.

Martes na ng umaga nang matagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Taguig City Police, at Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang bangkay ng biktimang si alyas “Harden” residente ng Brgy, North Signal Village, matapos ang magdamag na paghahanap sa kanya.

Sa nakarating na ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nagpaalam ang bata sa kanyang inang si alyas “Rachel” 35, na maliligo sa ulan kasama ang mga kalaro Lunes ng hapon.

Dakong alas-8:30 ng gabi nang makita ng testigong si alyas “Mark”, kawani ng lokal na pamahalaan, ang pagtalon sa creek sa Acacia St. ng bata upang habulin ang inanod niyang tsinelas.

Tinangka pang iligtas ni alyas Mark ang bata sa pamamagitan ng paglusong sa creek subalit mabilis na umanong inanod ang bata kaya’t hindi na niya ito nailigtas.