PCol. Hector Grijaldo PCol. Hector Grijaldo Source: PNA

Grijaldo inaresto, naka-detain na sa Kamara — Barbers

50 Views

SI Police Colonel Hector Grijaldo ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Kamara de Representantes at naka-detain sa detention facility nito sa Batasan Complex.

Kinumpirma ito ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, overall chairman ng House quad committee, matapos ang ulat na si Grijaldo ay inaresto habang nasa Philippine National Police (PNP) Hospital.

Ayon kay Barbers, inihatid ng sergeant-at-arms ng Kamara, sa koordinasyon ng PNP, ang arrest order laban kay Grijaldo nitong Sabado, Disyembre 14, alinsunod sa contempt order ng quad committee dahil paulit-ulit na hindi ito dumalo sa mga pagdinig ng komite.

“He was in the hospital. I think he was having his checkup. Apparently, he says that he is confined, and he wants to stay there and have a hospital arrest. Of course, after consulting with his doctors, with the doctors of the PNP, and our house doctors, they’re saying there’s no problem with him because he’s mobile, he’s ambulatory, he’s perfectly normal,” ani Barbers sa isang panayam.

Dagdag ni Barbers, mananatili si Grijaldo sa Batasan Complex kahit ngayong kapaskuhan.

“He will most likely spend Christmas and New Year here,” pahayag ni Barbers.

Matatandaang ipinaaresto ng House quad committee si Grijaldo sa ika-13 pagdinig matapos niyang hindi tumugon sa subpoena para dumalo sa imbestigasyon.

Saad ni Grijaldo na sumailalim siya sa shoulder surgery, ngunit sinabi ng hepe ng PNP General Hospital na kaya nitong dumalo sa mga pagdinig kahit na may kondisyon ito.

Ayon kay Barbers, humiling si Grijaldo na siya’y mailagay sa hospital arrest ngunit hindi ito pinayagan dahil wala namang seryosong karamdaman ang opisyal.

Si Grijaldo ang Mandaluyong police chief noong 2020 nang mapatay si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga ng riding-in-tandem na salarin. Siya rin ay kaklase ni dating PCSO general manager at retiradong pulis na si Royina Garma.

Sa mga naunang pagdinig ng quad committee, inakusahan ng pulis na si Santie Mendoza sina Garma at dating National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo bilang mga utak sa pagpatay kay Barayuga.

Sa parehong pagdinig, direktang idinawit ni Garma si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa extrajudicial killings (EJK) na isinagawa ng mga pulis sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Ayon kay Garma, matapos ang pagkapanalo ni Duterte sa 2016 presidential election, inutusan siya nito na ipatupad ang “Davao model” — isang sistema ng pagbabayad at gantimpala para sa matagumpay na pagpatay — sa pambansang antas.

Samantala, inakusahan ni Grijaldo ang mga co-chair ng House quad committee na sina Dan Fernandez at Bienvenido Abante na pinilit siyang kumpirmahin ang reward scheme para sa drug war na isiniwalat ni Garma sa isang closed-door meeting noong Oktubre.