Hadegorn

Hagedorn buo pa rin ang tiwala sa justice system

Mar Rodriguez Jul 9, 2023
146 Views

HadegornNANANATILI pa rin ang tiwala ni Palawan 3rd Dist. Congressman Edward S. Hagedorn sa “justice system” ng bansa at gagamitin ang lahat ng paraan upang mapawalang sala o ma-vindicate siya sa kasong isinampa ng Sandiganbayan.

Sinabi ni Hagedorn na ikinalulungkot nito ang naging desisyon ng Sandiganbayan Third Division kaugnay sa kasong Malversation of public property na isinampa laban sa kaniya. Subalit naninindigan ang mambabatas na hindi ito nangangahulugan na mawawala na ang kaniyang tiwala sa justice system ng bansa.

Ipinaliwanag ni Congressman Hagedorn na gagamitin nito ang lahat ng paraan o “avenues” sa tamang proseso para mapawalang sala siya sa kaso. Sa pamamagitan ng paghahain ng Motion for Reconsideration (MR), sakaling ibasura naman ang kanilang MR ay aakyat nila naman ito sa Supreme Court (SC).

“Nalulungkot tayo sa desisyon pero hindi naman ito nangangahulugan na mawawalan tayo ng tiwala sa ating justice system. Gagamitin natin ang lahat ng avenues sa tamang proseso, ang una nating gagawin magpa-file tayo ng MR, at kung siyempre sakaling hindi nila aprubahan ang ating MR o ito’y ma-turn down, iaakyat natin ito sa Supreme Court,” Ayon kay Hagedorn.

Aminado si Hagedorn na mahabang proseso ang maaaring kasapitan ng ihahain nilang MR sa Korte Suprema. Gayunman, binigyang diin nito na siya parin ang nananatiling kinatawan o kongresista ng Palawan at hihintayin nila ang magiging pinal na desisyon ng Mataas na Hukuman (SC).

“Duon sa Supreme Court ang medyo mahabang usapan, pero sa kaalaman ng lahat. Ako pa rin ang congressman ninyo. Hindi ako nakakulong, mahabang panahon pa akong maglilingkod sa inyo. Ang hihintayin natin ay ang final decision kapag natapos na yung sa Supreme Court,” Sabi pa ni Hagedorn.

Ipinahayag din ni Hagedorn na tatanggapin nito ang magiging desisyon ng SC. Subalit naninindigan ang kongresista sa kaniyang “innocence” o pagiging wala sala sa kaso kasunod ng pagdidiin nito na wala aniya siyang ninananakaw o nagkaroon ng malversation batay sa isinampa ng Sandiganbayan.

“Ang lagi ko lang pinaninindigan ay yung aking innocence. Wala tayong perang ninakaw, ipapaliwanag ko lang. Yung malversation kasi ay may interpretation na kumuha ako ng pera, may nagte-text sa akin na boss, ilang bang pera ang iyong kinuha? Ang sabi ko, kahit isang singko sentimos ang ikinaso sa akin,” Paliwanag pa ng kongresista.