Chiz

Halalan’ 25 panawagan sa pagkakaisa – – SP Chiz

16 Views

IPINAHAYAG ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang resulta ng 2025 midterm elections ay malinaw na patunay ng mas mataas na kamalayang pampulitika ng mga Pilipino.

Sa ginanap na press conference sa Kapihan sa Senado noong Mayo 15, pinuri niya ang mapayapang halalan at nanawagan sa mga lider ng bansa na pagkaisahin ang bansa sa halip na magpatuloy sa pagkakawatak-watak bunsod ng politika.

“Nagagalak ako na naging mapayapa sa pangkalahatan ang nagdaang halalan,” aniya, habang tiniyak na magkakaroon ng masusing pagsusuri sa buong proseso ng eleksyon. “lubos akong nagpapasalamat” sa mga guro, opisyal ng COMELEC, tagabilang ng boto, pulis, at militar na nagbantay sa kaayusan ng botohan.

Binanggit ni Escudero na ang resulta ng eleksyon ay nagpapakita ng pagbabago sa pananaw ng mga botante at kanilang pagkilala sa tunay na halaga ng balota.

“Kada taon naniniwala ako napapunta tayo sa panahon na ang butante ay tunay na makikita ang kapangyarihan ng kanilang balota,” aniya.

Tinukoy din niyang bumaba ang bilang ng botong kailangan upang makapasok sa Senado—mula halos 15 milyon noong 2022, naging 13 milyon ngayong taon.
“So marahil kailangan po natin ilang linggo at buwan para pag-aralan ang resulta ng halalang ito… at saan nga ba nagbago,” dagdag niya.

Ipinunto rin niya ang pagbabago sa estilo ng kampanya, kung saan mas binigyang-halaga ng mga botante ang mga isyu kaysa sa dami ng advertisement.

“Issue-based ang eleksyon. Hindi pa damihan ng advertisement… kung saan pumosisyon ang bawat kandidato kaugnay ng posisyon ng mas nakararami nating kababayan,” paliwanag niya.

Kasunod ng eleksyon, iginiit ni Escudero ang kahalagahan ng pagkakaisa. Nanawagan siyang tapusin na ang sigalot na dala ng politika at unahin ang kapakanan ng bayan.

“Tapos na ang halalan… sana magsimula na tayo na maghilom, gumaling mula sa mga sakit at hidwaan ng halalan,” pahayag niya.

Dagdag pa niya, kailangang “maghanap ng pwede natin pagkasundoan habang sinasantabi natin ang pwede natin pag-awayan.”

Ipinaalala rin niya sa mga halal na opisyal ang kanilang obligasyon na pagsilbihan ang lahat, hindi lang ang kanilang mga tagasuporta.

“Uupo bilang senador… ng lahat ng kanilang nasasakupan… hindi lamang ang mga supporter nila dapat nilang pagsilbihan,” aniya.

Binigyang-diin din niya ang prinsipyo ng pagkakapantay-pantay sa demokrasya:

“Tigitigisa na tayo ng boto noong nagdaang halalan at yan ay pinakinggan at binilang ng ating sistema sa demokrasya.”

Sa mga nalalabing buwan ng kasalukuyang Kongreso, iginiit ni Escudero ang pagpapatuloy ng pagtatrabaho sa mga natitirang panukalang batas. Hinikayat niya ang mga bagong senador na magdesisyong may konsensya at sariling paninindigan.

“Hindi para sa akin nasabihin ganito yan o ganyan yan… Mas maganda sila ang tanungin ninyo dahil sila naman yun sa sitwasyon yan,” sabi niya.

Ayon sa ilang political analysts, ang halalan ngayong taon ay nagpabago sa dating pormasyon ng kapangyarihan sa Senado—wala nang dominasyon ang alinmang kampo gaya ng Marcos o Duterte. Sa gitna ng bagong balanse ng kapangyarihan, binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng paninindigang makabansa.

“Tapos na ang kulay politika at ingay ng politika,” ani Escudero bilang pangwakas.

“Ang paniniwala, kagustuhan at pangarap na yan… ay dapat ituloy para sa kapakanan ng ating bansa.”