Calendar
Hamon ng lider ng Kamara sa PNP, Comelec: Tiyaking magiging patas, mapayapa eleksyon sa Pampanga
UMAPELA si House Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. sa Commission on Elections (Comelec) at Philippine National Police (PNP) upang tiyakin na magiging patas at mapayapa ang eleksyon sa Pampanga sa Mayo.
Ginawa ni Gonzales ang pahayag sa pagdinig ng House committee on public order and safety na pinamumunuan ni Rep. Dan Fernandez ng Santa Rosa City sa Laguna, kaugnay ng anim na kaso ng political killings sa ikatlong distrito ng lalawigan na kinakatawan ni Gonzales sa Kongreso.
“Sana po, itong darating na halalan, matahimik po ang siyudad ng San Fernando at ang buong lalawigan because Pampanga is the heart of Central Luzon,” ani Gonzales.
“Ito lang po ang hinihingi namin sa ating kapulisan at sa Comelec, na sana walang mangyayaring karahasan, lalo na po są ating mga barangay captain, kawawa po ang mga familya nila. Sana maging fair ang laban,” sabi pa nito.
“We just want a level playing field. Hayaan po natin na ang taong bayan, ang aming mga kalalawigan, ang magdesisyon kung sino ang dapat mamuno sa probinsiya, sa distrito, sa siyudad ng San Fernando at sa 21 na bayan ng Pampanga,” giit pa ni Gonzales.
Sabi pa ni Gonzales, “Huwag po kayong matakot, mga barangay captain at barangay leaders. Nandiyan po si Gen. Fajardo at ang kapulisan. Definitely magiging tahimik ang ating eleksyon na darating at protektado po kayo,” aniya.
Ang kanyang pinatutungkulan ay si Brig. Gen. Jean Fajardo, dating PNP spokesperson at bagong talagang PNP Regional Director sa Central Luzon.
Sagot naman ni Fajardo, nangako si PNP Chief Gen. Rommel Marbil ng “all our manpower and logistical resources to the Comelec to ensure safe, secure and credible elections.”
“In areas of concern, the PNP chief has designated focal persons to defuse tensions among contending parties,” sabi pa nito.
Nangako rin si Fajardo na bilang lider ng kapulisan sa Region 3 ay gagawin nito ang lahat para maging maayos at mapayapa ang paparating na halalan.
Kinondena rin ni Fajardo ang mga pagpatay sa distrito ni Gonzales sa pagitan ng Abril 2022 at Nobyembre 2024.
“These senseless acts of violence are not just a disruption of public order but an attack on the foundations of governance and democracy. They demand justice, a thorough investigation and measure to restore public trust and safety,” sabi pa ng opisyal.
“To date, we have made substantial progress. One case is solved already after three suspects were arrested and criminal charges for frustrated murder were filed,” sabi nito.
Sa apat na kaso, sinabi ni Fajardo na nasampahan na ng reklamo ang mga suspek.
“Only one case remains pending… the investigator, in his capacity as nominal complainant, is ready to file the case anytime,” dagdag pa nito.
Nagpasalamat naman ni Fajado kay Gonzales at sa mga miyembro ng Kamara na nagsusulong ng maayos na halalan.
“Together, we can ensure justice for the victims and a safer future for the third district of Pampanga,” sabi pa nito.
Nagpasalamat din ang mga lokal na opisyal, sa pangunguna ni San Fernando City Mayor Vilma Caluag, sa pagsasagawa ng pagdinig.
Sinabi ni Caluag na siya at ang kanyang mga kaalyado ay mayroong mga kalaban na konektado sa “powerful political family in Pampanga” na nagdudulot ng tensyon.
Nang tanungin kung sino ang kalaban ni Caluag sa paparating na halalan, sagot nito, “Siya po ay kapatid ng governor at anak ng vice governor.”