Roque

Harry Roque muling pinatawan ng contempt

95 Views

MULING pinatawan ng ‘contempt’ ng Quad Committee ng Kamara de Representantes nitong Huwebes si dating Presidential spokesperson Harry Roque at ipinag-utos ang pagkulong dito matapos na mabigong isumite ang mga dokumento na hinihingi ng komite na maaaring mag-ugnay sa kanya sa operasyon ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ipinag-utos ni Quad Comm lead chair, Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, na ikulong si Roque sa detention center ng Kamara hanggang sa maisumite niya ang hinihinging mga dokumento o hanggang matapos ang isinasagawang imbestigasyon.

Inihain ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores ang mosyon na i-cite si Roque sa contempt at ipag-utos ang kanyang pagkakulong, batay sa Seksyon 11(d) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation.

Bilang tugon naman sa mosyon ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, tinanggihan din ng Quad Committee ang bagong kahilingan ni Roque na ipawalang-bisa ang subpoena na nag-aatas sa kanya na magsumite ng mga dokumento, kabilang ang mga rekord ng negosyo, tax returns, at Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs), na una na niyang ipinangako na ibibigay sa pagdinig noong Agosto 22.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na pinatawan ng contempt ng Quad Comm si Roque.

Sa pagdinig noong Agosto 22, una na ring na-cite in contempt si Roque dahil sa pagsisinungaling sa dahilan ng kaniyang hindi pagdalo sa sesyon noong Agosto 16 na ginanap sa Porac, Pampanga-kung saan pinatawan siya ng 24-oras na pagkakakulong at binigyan ng babala na mas mabigat na parusa sa muling paglabag.

Makaraan ang hindi pagdalo sa huling tatlong pagdinig, si Roque ay binigyan din ng subpoena upang humarap at magbigay ng pahayag sa komite sa susunod nitong itinakdang pagdinig.

Naniniwala ang komite at Luistro na mahalaga ang mga dokumentong hinihingi kay Roque para sa kanilang imbestigasyon kaugnay ng umano’y koneksyon niya sa mga ilegal na POGO.

“It is the humble submission of this representation that the Quad Committee has established overwhelming circumstantial evidence showing the connection of Atty. Harry Roque to Lucky South 99, which is a POGO operation,” ayon kay Luistro.

Ang Lucky South 99 ay isang ilegal na POGO firm sa Porac, Pampanga, na sinalakay noong Hunyo, kung saan natuklasan ng mga awtoridad ang ebidensya ng human trafficking, pang-aabuso, scam farms, prostitution, porn hub, at iba pang ilegal na aktibidad.

Bagama’t itinanggi ni Roque ang pagkakaugnay sa POGO, kinuwestyon ni Luistro ang malaking ‘discrepancy’ ng kanyang sahod bilang opisyal ng gobyerno sa biglaang pagtaas ng kanyang mga ari-arian, kabilang ang mga shares sa Biancham Holdings, isang kumpanya na pag-aari ng kanyang pamilya.

Iginiit ni Luistro na ang hindi maipaliwanag na yaman ni Roque ay lalo pang magpapatibay sa ebidensya ng kanyang posibleng pagkakasangkot sa operasyon ng POGO.

Ayon pa kay Luistro, ang mga lumalabas sa imbesitigasyon ay maaring isang pagkakataon para sa mga reporma sa batas, ang muling suriin ang mga batas tulad ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, Anti-Money Laundering Act, Corporation Law, at maging ang Code of Professional Responsibility and Accountability for Lawyers.

Kamakailan ay hiniling ng joint panel kay Roque ang ilang mga dokumento, kabilang na ang deed of sale para sa lupa sa Multinational Village, Parañaque; mga dokumento sa paglipat ng Biancham shareholdings; extrajudicial settlement ng ari-arian ng kanyang tiyahin; SALNs mula 2016 hanggang 2022; at ang kanyang income tax return para sa 2018.

Sa mga nakalipas na pagdinig, kinuwestyon din Luistro ang mga negosyo ni Roque at financial records dahil sa malaking pagkakaiba sa pagitan ng kanyang idineklarang mga pag-aari at ng mga ari-arian ng Biancham Holdings.

Sa ulat, lumalabas na biglang tumaas ang mga assets ni Roque noong panahon ng POGO sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa paliwanag ni Roque, ang pagtaas ng kaniyang yaman ay dahil sa ibinentang ari-arian ng pamilya sa Paranaque City, na hindi naman pinaniwalaan ng komite.

Itinanggi rin ni Roque na siya ang abogado ng Lucky South 99, sinabing ang kanyang kliyente ay ang Whirlwind, na isang POGO service provider. Gayunpaman, ang mga dokumentong ipinakita sa komite ay nagpapatunay na mayroon siyang mga transaksyon sa parehong kumpanya.