Calendar
Hataman hiniling koordinasyon sa mga lugar na hawak ng MILF, BARMM
HINIHILING ngayon ng isang Mindanao congressman sa Philippine National Police (PNP) at sa mga kinauukulan na repasuhin at lalo pa nilang pagtibayin ang mga nakalatag na mekanismo kaugnay sa pakikipag-koordinasyon nila sa mga lugar na teritoryo ng Moro International Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Binigyang diin ni Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman na ang kaniyang pnawagan sa PNP at mga kinauukulan ay bilang “precautionary measures” lamang para hindi na aniya maulit ang kahindik-hindik na insidente ng pananambang sa bayan ng Ampatuan sa Maguindanao na ikinasawi ng dalawang pulis.
Ipinaliwanag ni Hataman na baka kailangan umanong repasuhin at muling pag-aralan ang pagiging epektibo (effectiveness) ng Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG), isang “coordinative body” na itinatag noong 2002 para matiyak kung kalingan pa ba itong panatilihin.
Sinabi ng Muslim solon na ang pangunahing tungkulin at atas ng AHJAG ay ang makipag-coordinate, mag-monitor at magpalaganap ng impormasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), PNP at MILF hinggil sa pagsisilbi ng “warrant of arrest” o manghuhuli ng mga pinaghihinalaang “criminal elements” sa mga lugar na kontrolado ng MILF upang hindi na maulit ang insidente sa Maguindanao.
“Mayroon tayong mekanismo para sa lehitimong police operations sa mga lugar na deklaradong MILF areas. Baka kailangan lang itong rebyuhin, palakasin at pagtibayin ng mga kinauukulan.
Hangad lamang natin na maiwasan ang mga insidenteng tulad ng ambush sa Ampatuan, Maguindanao,” sabi ni Hataman.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na nais lamang niya na hindi na maulit ang nangyaring insidente sa Maguindanao kung kaya’t kailangan aniyang rebyuhing mabuti ang AHJAG at tignan kung ano ang mga dapat baguhin dito at kung ano naman ang mga dapat aysuin.