Calendar

Hindi maka-Pilipino ang pananakot – House leaders

SUPORTADO ng mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumabatikos kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang iniisip na solusyon sa mga problema ay pumatay.
Sinabi nina House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales na tama ang naging puna ng Pangulo.
“Ganoon talaga ang dating Pangulong Duterte at ang kanyang anak, si Vice President Sara Duterte, mahilig sa pananakot,” ani Ortega.
“Hindi maka-Pilipino ang ugaling ‘yan. Tayong mga Pilipino, hindi natin ginagawa ‘yan, kasi bad ‘yan,” dagdag niya.
Ayon kay Khonghun, maaaring iniisip ng dating pangulo na siya ay hindi sakop ng batas dahil paulit-ulit itong nagbabanta ng pagpatay at asasinasyon.
“Pareho silang mag-ama. Dapat siguro, kasuhan din ang dating Pangulong Duterte sa ginagawa niyang pananakot, gaya ng pag-file ng complaint ng National Bureau of Investigation kay VP Sara Duterte,” aniya.
Sinabi rin niya na ang pagsasampa ng kaso laban sa Bise Presidente para sa inciting to sedition at grave threats ay dapat nagbigay babala sa nakatatandang Duterte upang pag-isipan ang kanyang hilig sa pagbibitiw ng banta.
“The case against the Vice President sends the message that under this government, no one is above the law,” dagdag niya.
Sa paglulunsad ng kampanya ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Mindanao na ginanap noong Biyernes sa Carmen, Davao del Norte, sinabi ng Pangulo sa kanyang mga kandidato: “Nakikita natin ang ibang partido… nagugulat sila, natatakot yata sila sa inyo dahil pag nakita ang lineup ng Alyansa ay kung anu-ano na ang sinasabi.”
“Narinig lang natin noong isang araw, wala daw pag-asa siguro… wala silang pag-asa kaya papatay na lang sila ng 15 senador. Sabagay, mahirap naman ang ibang tao, ang iniisip lang nila ang kaisa-isang solusyon sa lahat ng problema ay pumatay pa ng Pilipino. Nakakapagtaka kung bakit ganoon,” aniya.
Sinabi nina Ortega at Khonghun na tama ang naging pagsusuri ng Pangulo sa takot ng kampo ni Duterte sa posibleng pagkatalo, kaya’t nagbitaw ito ng banta laban sa mga senador.
“Nakikita na nila ang pagkatalo sa halalan sa May 12. Kaya nananakot na lang ang dating pangulo at gumagawa ng negative campaigning,” ani Ortega.
Ayon naman kay Khonghun, hindi maililigtas ng mga pahayag ng dating pangulo ang kanyang mga kandidatong senador.
“Mahina ang ticket ng Team China, malakas ang Team Pilipinas,” aniya, na tumutukoy sa slate ng Alyansa.