Honasan

Honasan humirit ng House-Senate dialogue para maisalba economic Charter reform

Mar Rodriguez Mar 8, 2024
159 Views

IMINUNGKAHI ni dating Sen. Gregorio “Gringo” Honasan ang pagkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng Kamara de Representantes at Senado upang matuloy ang isinusulong na economic constitutional amendments.

Ginawa ni Honasan ang suhestyon matapos na ipahayag ang kanyang pagsuporta sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 sa huling araw ng pagdinig ng Committee of the Whole House of Representatives.

“Kung mananatili tayong sarado (sa foreign investors), kawawa ang Pilipino,” ani Honasan.

Sa question-and-answer period, tinanong ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr. si Honasan kung ano ang gagawin nito kung siya ang Senate President para maipasa ang resolusyon.

“Kung kayo po ang Senate President ngayon, ano po ang pwede ninyong maitalakay at kausapin bilang isang leader ng Senado? Dito sa Kongreso, ang leader natin is a very decisive leader. Kung kayo po ang Senate President at ito ang panawagan ng ating Pangulo, ano po ang pwede ninyong gawin, Mr. Senator?” tanong ni Gonzales.

Sagot ni Honasan, “Naku, hindi ko alam kung inilagay niyo ako bigla sa alanganin dahil malayo po ako maging Senate president, napakalayo po. Pero tutugunan ko po ang katanungan ninyo: Wala hong masama na mag-uusap-usap tayo. We have to do this together.”

Ayon kay Honasan makabubuti rin kung pag-uusapan ng pribado ang mga hindi pagkakasundo sa halip na sa publiko.

“We are exposing our strengths and weaknesses as a young democracy to temporary friends and allies. Hindi po ito maganda para sa atin,” dagdag pa ni Honasan.

Noong Miyerkoles ay inaprubahan na ng Committee of the Whole House ang RBH No. 7 matapos ang anim na araw na marathon hearing.

Sa susunod na linggo ay inaasahan na aaprubahan na ito ng Kamara sa ikalawang pagbasa. Target ng Kamara na maaprubahan ito sa ikatlong pagbasa bago ang Holy Week break na magsisimula sa Marso 23.

Naniniwala si Honasan na panahon na upang amyendahan ang Konstitusyon at hindi umano dapat na katakutan ang pagbabago.

Sinabi ni Honasan na makatutulong sa pag-unlad ng pamumuhay ng mga Pilipino ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhang mamumuhunan.

Iginiit din ng dating senador na dapat makasabay ang bansa sa pagbabago ng mundo.

Ayon kay Honasan ang mga pangamba na ang pagbubukas ng ekonomiya ay magkaroon ng epekto sa national security ng bansa ay maaaring tugunan ng Kongreso sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kondisyon para sa mga negosyanteng mamumuhunan sa bansa.

“Puwedeng magbuo ng batas na magtatakda kung ano ang maaring gawin at hindi maaaring gawin ng dayuhang mamumuhunan, kung saan ang hangganan ng kanilang pribilehiyo,” dagdag pa ni Honasan.