Meralco Source: Meralco FB

Hontiveros hiniling agarang Meralco refund sa konsyumer

16 Views

BINATIKOS ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros ang umano’y taktika ng Manila Electric Company (Meralco) na “overcollect now, refund later,” na aniya’y nagpapayaman sa kumpanya sa kapinsalaan ng mga konsyumer.

Binanggit ng senadora ang ulat ukol sa ₱28 bilyong meter deposit na nakolekta mula sa mga customer, na diumano’y ginamit ng Meralco na parang sarili nitong kapital.

Sa isang pahayag, iginiit ni Hontiveros na kailangang tugunan ng Meralco ang mga isyung ito, lalo na’t humihiling ito ng 25-taong legislative franchise mula sa Kongreso.

“Ngayong humihingi sila ng 25 taon na legislative franchise sa Kongreso, mas maganda kung huwag nang magpalusot ang Meralco, at tumulong na lang muna sa pagbalik ng bawat piso na sobrang kinolekta mula sa consumers,” aniya, nananawagan sa kumpanya na itama ang kanilang mga gawain bago humiling ng panibagong prangkisa.

Binatikos din ni Hontiveros ang paggamit ng Meralco ng mas mataas na nominal weighted average cost of capital (WACC), na umano’y nagresulta sa sobrang singil sa mga konsyumer at nagdulot ng hindi kinakailangang pasaning pinansyal sa mga pamilya.

Binigyang-diin din niya ang kamakailang desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na hindi payagan ang mahigit ₱200 bilyong gastos ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na isinama sa singil sa mga konsyumer, kabilang ang gastos sa public relations, advertising, donasyon, at iba pang bayarin.

“Huwag tayong masanay sa kalakaran na ‘overcollect now, refund later,’ dahil may tumatabo ng tubo sa pagsasakripisyo ng ating mga kababayan,” ani Hontiveros, na nananawagan ng mas mahigpit na pananagutan.

Hinimok din ni Hontiveros ang pamunuan ng ERC na magsagawa ng masusing aksyon upang matukoy ang kabuuang halaga ng sobrang singil ng Meralco at obligahin ang kumpanya na agad na ibalik ang bawat piso na utang nito sa mga Pilipino. “Bilang dapat protektor ng consumer sa power sector, sana maramdaman ng taumbayan ang pagkilos ng ERC,” dagdag pa niya.

Mariin naman na itinanggi ng Meralco ang mga alegasyon, sinasabing sumusunod ito sa mga regulasyon at pamantayan ng ERC. Gayunpaman, binigyang-diin ni Hontiveros na ang paghahanap ng katarungan at tamang pamamalakad ay dapat makinabang hindi lamang sa mga konsyumer ng Meralco kundi pati na rin sa buong sektor ng enerhiya.