Hontiveros1

Hontiveros nanawagan ng pinagsamang imbestigasyon ng Kongreso sa iniulat na kawalan ng sertipikasyon para sa automated election system

13 Views

NANAWAGAN si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros sa Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System na imbestigahan ang mga ulat na nagsasabing nabigong makuha ng Commission on Elections (Comelec) ang hinihinging sertipikasyon ukol sa seguridad at kawastuhan ng automated election system (AES) para sa halalan sa Mayo 12.

“Halos 70 araw na lang bago ang election day, kaya dapat agarang kumilos ang Senado at House of Representatives at siguraduhin na nasusunod ang lahat ng mekanismo sa batas para sa malinis at maayos na automated elections. Itong mga napapabalitang isyu ay dapat malinaw na, para walang pangamba o duda ang taumbayan pagdating ng Mayo 12,” ani Hontiveros.

Tinukoy ni Hontiveros ang mga ulat na nagsasabing hindi pa sumunod ang Comelec sa Seksyon 11 ng RA 8436, na inamyendahan ng RA 9369 o ang Election Automation Law. Nakasaad dito na kailangang makakuha ang Comelec ng sertipikasyon mula sa isang kinikilalang internasyonal na ahensya ng sertipikasyon na nagpapatunay na ang AES ng bansa, kasama ang mga hardware at software components nito, ay “operating properly, securely and accurately.”

“Under the law, the certification should have been issued ‘not later than three months before the date of the electoral exercises.’ This means that Pro V & V Inc., the international certification entity contracted by Comelec, should have already issued a certification on or before February 12, 2025,” paliwanag niya.

“Dapat matanong natin ang Comelec, sa pamamagitan ng joint congressional oversight committee, kung nasaan na ang certification na iyan na nagpapatunay na maayos ang ating automated election system. At kung wala pa ang certification, dapat maipaliwanag nila sa taumbayan kung bakit hindi pa ito nailalabas, sa kabila ng malinaw na deadline sa ilalim ng batas,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Hontiveros na kung itutuloy ng Comelec ang paggamit ng AES nang walang kinakailangang sertipikasyon, dapat nilang isumite ang kanilang opisyal na nakasulat na paliwanag sa oversight committee, alinsunod sa batas. Gayunman, nagbabala siya na ang paggamit ng AES nang walang sertipikasyon ay “would severely affect public confidence in the May 12 elections.”

Kasabay ng isyu ng sertipikasyon ng AES, sinabi rin ni Hontiveros na dapat pagtuunan ng pansin ng oversight committee ang mga kamakailang pahayag ni Isabela vice-mayoral candidate Jeryll Respicio tungkol sa kahinaan ng automated counting machines. Kaugnay nito, naghain ng kasong kriminal ang Comelec laban kay Respicio.

“The oversight committee can also shed light on alleged vulnerabilities in our AES – especially in procedures related to the counting and transmission of election results. Sana linawin ng Comelec kung dapat nga bang kinakabit lang ang modem sa automated counting machines kung magta-transmit na ito ng election results. Sa unang bersiyon kasi ng Comelec instructions, parang sa testing process pa lang ay ikakabit na ang modem sa automated counting machines at hindi na ito tatanggalin,” paliwanag niya.

Ayon pa kay Hontiveros, bagama’t mabuti ang kampanya ng Comelec laban sa maling impormasyon tungkol sa halalan, hindi dapat itong maging dahilan upang hindi pakinggan o maging marahas ang tugon sa mga mamamayang naglalantad ng posibleng panghihimasok sa automated elections.

“When it comes to automated elections, there is no such thing as security through obscurity. We should listen to all stakeholders on how we can improve the security of our votes, even when it takes the form of criticism. Ang pagpuna sa pamahalaan ay obligasyon ng bawat mamamayan, lalo na kung ito ay makakatulong sa malinis na halalan,” pagtatapos niya.