Chua

House Blue Ribbon panel ipinagpaliban pagdinig para makadalo ni VP Sara sa imbestigasyon ng NBI

42 Views

NAGDESISYON ang House Blue Ribbon Committee na ipagpaliban ang pagdinig nito sa Biyernes, Nobyembre 29, upang hindi ito magamit na dahilan ni Vice President Sara Duterte na hindi humarap sa patawag ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa kanyang ginawang pagbabanta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng komite, ang desisyon ay upang umusad ang imbestigasyon ng isang kritikal na isyu ng national security.

“Marami pong mga miyembro ang tumawag sa akin patungkol po sa issue na ito kaya po kami kanina ay nagdesisyon na i-postpone ‘yung committee hearing for tomorrow to pave way sa imbestigasyon ng NBI na hindi naman po kami nagagamit bilang excuse para masagot ang complaint,” sabi ni Chua sa isang pulong balitaan.

Pinahaharap ng NBI si Duterte para magpaliwanag sa kanyang alegasyon na kanyang pinagbantaan ang buhay nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“Naniniwala po kami na ito pong issue sa NBI ay napakahalaga as it concerns national security,” sabi ni Chua.

Nauna ng itinakda ng komite ang ikawalong pagdinig kaugnay ng umano’y maling paggamit ni Duterte ng ₱612.5 milyon na confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim.

Pero dahil sa bigat ng kanyang ginawang pagbabanta sa mga pangunahing opisyal ng bansa ay iginiit ng mambabatas na mabigyang prayoridad ang imbestigasyon ng NBI.

“Napaka-importante rin na masagot ang mga tanong at kaukulang investigation ng NBI kasi hindi naman po biro ito. These are grave threats,” sabi naman niHouse Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na kasama ni Chua sa press conference.

“National security is at stake. Nakakabahala po saka nakakatakot. Ako nga po mismo natakot nung narinig ko ang mga threat na ganoon,” dagdag pa ni Ortega.

Binigyang diin ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun ang importansya ng pagsagot ni Duterte sa mga reklamo laban sa kanya.

“Ayaw nating maging rason o maging hadlang ang komite, gawing rason ang hearing ng Blue Ribbon Committee para hindi harapin ni Vice President Sara, lalong-lalo na ‘yung subpoena sa kanya ng NBI,” aniya.

Sabi pa ni Khonghun: “Napakalaking usapin ito lalung-lalo patungkol sa national security ng ating bansa. Dahil nakita natin na pinagbantaan niya ang buhay ng ating Presidente, buhay ng ating Speaker, buhay ng ating First Lady, at lalung-lalo na may mga kaso pa siya na kailangan niyang harapin.”

Pagsiguro naman ni Chua na ang pagpapaliban ay hindi makakabalam sa trabaho ng komite na siyasatin ang paggasta sa confidential funds.

“Kami po ay magbibigay nang [daan] para hindi kami magamit dahilan para hindi siya makarating bukas,” saad niya

Muli nitong tiniyak ang commitment ng komite sa pagpasa mga batas para protektahan ang pondo ng bayan at maiwasang maulit na ang kahalintulad ng pang aabuso.

Hindi pa napagdedesisyunan kung kailan itutuloy ang pagdinig ng komite at iaanunsyo na lamang umano ito ni Chua.