Calendar
![Kamara](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Kamara-2.jpg)
House itinangging naantala impeachment laban kay VP Duterte
Sinabing pinili mas maikling proseso
DALAWANG miyembro ng House of Representatives ang tumanggi sa mga alegasyon na sinadyang antalahin ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Iginiit nilang pinili ng Kamara ang mas mabilis at epektibong paraan upang tiyakin ang matibay na kaso sa Senado.
Ipinaliwanag ni Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng 11-man House prosecution panel, na ang unang impeachment complaint ay may 23 articles na magpapahaba ng deliberasyon kung idadaan sa House committee on justice.
“Kung ito po ay ibabagsak po namin sa Committee on Justice at ito po ay tatalakayin sa Committee on Justice, baka tapos na po ang 19th Congress hindi pa rin tapos ang hearing dito sa haba at sa dami,” ani Chua.
Sinabi ni Chua na may dalawang opsyon ang Kamara: ipasa ang mga impeachment complaint sa House committee on justice o idirekta ang boto ng House na nangangailangan ng two-thirds majority.
“Ito po ang tinatawag natin na House action. At ‘yung House action nga po ‘yung aming naging option,” paliwanag niya.
“Now going back, siyempre kailangan kung magfa-file ka ng impeachment complaint sisiguraduhin mo na ito ay solido at talagang matitindi ang grounds nito,” dagdag niya.
Matapos ang masusing deliberasyon, nagpasya ang Kamara na magsampa ng ikaapat na impeachment complaint na pinagsama-sama ang pinakamalalakas na puntos mula sa naunang mga reklamo upang matiyak ang isang mabigat na kaso.
“Ito po ay pinag-aralan, ito ay pinagsama-sama ng mga complaint, mga articles na sa paniniwala po namin ay sapat para makakuha ng pabor na ruling galing sa impeachment court,” ani Chua.
Samantala, sinabi ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na ang kawalan ng agarang pampublikong diskusyon ay hindi nangangahulugang binalewala ang impeachment complaints.
“Maraming mga congressman… bumababa doon sa Office of the Secretary General para kumuha ng kopya ng ating impeachment,” aniya.
Ipinaliwanag din ni Acidre na nagkaroon ng informal consultations sa pagitan ng mga mambabatas bago napagkasunduan ang desisyon.
“Nagkaroon ng traction until we realized this was the way to go, ‘yung House action,” dagdag niya.
“Kung nag-decide pa kami na dumaan sa justice committee, ang nangyari ho mas humaba ho ang proseso,” ayon kay Acidre.