Calendar

House leader binanatan ang mga Duterte: ‘Maging responsableng lider sana kayo’
MATINDING banat ang pinakawalan ng isang lider ng Kamara de Representantes laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at Bise Presidente Sara Duterte, dahil umano sa pagpapalaganap ng kultura ng karahasan sa pampublikong diskurso.
Ayon kay House Assistant Majority Leader at Taguig City Rep. Pammy Zamora, ang mga pahayag ng mag-amang Duterte ay nagpapalakas ng kawalan ng batas at sumisira sa demokrasya.
Partikular na binatikos ni Zamora ang naging biro ni dating Pangulong Duterte tungkol sa pagpatay ng 15 senador para mailuklok ang kanyang mga kandidatong senador.
“This is beyond reckless. A former president joking about murder is unacceptable. Words like these from a leader have real consequences,” diin ni Zamora.
Hindi rin pinatawad ni Zamora si VP Sara, na aniya’y tila sumusunod sa yapak ng kanyang ama pagdating sa paggamit ng dahas at pagbabanta bilang istilo ng pamumuno.
“Imbes na magsilbing boses ng hinahon at matinong pamamahala, tila mas pinili niyang manahin sa kanyang ama ang paggamit ng dahas at pagbabanta bilang paraan ng pamumuno,” ani Zamora.
Giit niya, hindi dapat takot kundi kumpiyansa ang ipinamamana ng isang tunay na lider sa taumbayan.
“Leadership is about serving the people, not threatening them. A true leader inspires, not intimidates,” dagdag pa niya.
Ani Zamora, hindi na dapat hayaan ng publiko ang mga lider—dating pangulo man o kasalukuyang opisyal—na gawing biro ang pagpatay na para bang isa itong lehitimong opsyon sa pamamahala.
“Enough is enough. We cannot allow our leaders, past or present, to keep making murder sound like a policy option,” babala niya.
Binigyang-diin din niya na may bigat ang mga salitang binibitawan ng isang lider dahil ito ay maaaring magbigay ng lisensya sa mga alagad ng batas para gumawa ng shortcut sa hustisya, patahimikin ang mga kritiko, at palaganapin ang takot imbes na tamang diskurso sa demokrasya.
Pinaalala rin ng kongresista ang libu-libong buhay na nawala sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, na hanggang ngayon ay iniimbestigahan ng mga pandaigdigang human rights organizations.
“The violence we saw during the Duterte administration is not something to joke about. It has real consequences, and our country continues to deal with the aftermath,” ani Zamora.
Dagdag pa niya, ang paulit-ulit na paggamit ng marahas na pananalita kasabay ng kanilang political maneuvering ay isang nakababahalang senyales.
“Pambubudol na naman ito. Kapag napapahamak sila, ginagamit nila ang takot para ibahin ang usapan. Hindi tayo dapat pumayag,” aniya.
Dahil dito, nanawagan si Zamora sa publiko na huwag gawing normal ang pagbabanta ng karahasan at manindigan para sa pananagutan ng mga lider.
“Ang pagbabanta ng pagpatay ay hindi kailanman magiging bahagi ng responsableng pamamahala. Kailangan nating itakwil ang ganitong klase ng pulitika,” dagdag niya.
Hinimok din niya ang kanyang mga kapwa mambabatas na huwag pumayag na gawing bahagi ng pulitika ang pananakot at intimidasyon.
“Hindi ito normal. Hindi natin ito dapat hayaang maging normal,” ani Zamora.
“Ang ating demokrasya ay hindi para sa mga lider na namumuno sa pamamagitan ng pananakot at panggigipit,” dagdag pa niya. “We must break free from the culture of violence and choose leaders who embody true service, integrity and respect for the rule of law.”